MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng 8,253 aftershocks nitong Martes ng umaga kasunod ng magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu noong September 30.
Ayon sa PHIVOLCS, 34 sa mga aftershocks ang naramdaman. At ang lakas ng mga ito ay mula magnitude 1.0 hanggang 5.1.
Bumababa naman ang dalas ng mga aftershocks kada araw sinabi ng PHIVOLCS.
“You would notice in the chart that the number of aftershocks per day (frequency) is decreasing,” saad ng PHIVOLCS.
Sinabi ng PHIVOLCS, na normal at natural na nangyayari ang aftershocks matapos ang isang malakas na paglindol.
“Aftershocks may persist for weeks to months. It means that the part of the subsurface that moved is still adjusting to a stable condition/position,” saad ng ahensya.
Tinawag na Bogo Bay Fault ang pinagmulan ng lindol na matatagpuan sa Sitio Looc, Barangay Nailon.
Nitong Lunes naman inirekomenda ng PHIVOLCS ang five-meter zone of avoidance sa mga gilid ng Bogo Bay Fault.
Ayon kay PHIVOLCS director Dr. Teresito Bacolcol, pinaalalahanan ang mga residente na kumonsulta muna sa mga eksperto bago bumalik sa kanilang mga tahanan upang matiyak ang kaligtasan.
“If there are visible damages sa mga istruktura kung saan sila nakatira, huwag muna silang pumasok,” aniya.
“They have to consult their municipal or city engineers kasi kung hindi man ito totally na-damage during the main shock, baka ma-damage ito totally during a strong aftershock,” dagdag niya.
Ang iniulat na mga namatay sa kalunos-lunos na lindol ay nananatili sa 72, samantala nasa 559 naman ang sugatan, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.
May kabuoang 39,806 naman na kabahayan ang nawasak sa Central Visayas.
165,998 naman ang bilang ng pamilyang naapektuhan ng nasabing lindol, ayon sa NDRRMC.
415 pa ang nasa evacuation centers at 6,937 pa ang naninirahan sa temporary shelter sa ibang lugar.
Ang disaster response agency ay hindi pa nagbibigay ng mga pagtatantya tungkol sa pinsala sa agrikultura at imprastraktura.
Samantala, sinabi ng Philippine Navy nitong Martes na nasa Cebu na ang transport vessel nito, ang BRP Dagupan City (LS-551), kasama ang kargamento ng mga relief goods at rescue equipment.
Ayon kay PN Public Affairs Office chief Capt. Benjo Negranza, dumating ang barko sa Cebu noong Lunes na may dalang food packs, bottled water, hygiene kits, sleeping mat at iba pang mahahalagang gamit.
“Along with these, the ship also carried disaster response vehicles and equipment as well as personnel to support rescue efforts and other critical operations in coordination with local authorities,” aniya. RNT/MND