SISIMULAN na raw ang pag-impeach kay Vice President Sara Duterte sa Disyembre.
Ang Disyembre, araw ng pagkakaisa at kapayapaan dahil sa pagdating ni Jesus sa buhay-Kristiyano sa bansa na rin dahil sineselebrayt ito maging ng pamahalaan.
Pero para sa mga politiko, walang pagka-pagkakaisa, kapa-kapayapaan, Kristiya-Kristiyano at walang Jesus-Jesus.
Ang mga interes na pagkapit sa pwesto at pagkamal ng salapi, lalo na sa salaping bayan, ang pinakamahalaga.
Nangyari ang isang anyo ng pagkapit-tuko sa pwesto noong panahon ni ex-President Ferdinand Marcos na umupo sa Malakanyang mula 1965 hanggang 1986.
Makaraang pabagsakin ito ng People Power, nakabawi ang mga mamamayan hanggang 2021 ng P265 bilyong nakaw na yaman mula sa mga Marcos at crony nito at P175 bilyon dito ang cash and P90B ang assets.
Matagal ding namuno ang angkang Aquino mula 1986 hanggang 2016 bagama’t may ilang sumingit sa kanila na impluwensyado nila.
Walang nangahas na magkalkal ng mga nakaw na yaman dito bagama’t mayroon umanong Kamag-anak Incorporated mismo na pinuna ni Jaime Cardinal Sin at iba pa, at kasama sa mga puna ang paghawak umano sa mga alahas ni dating First Lady Imelda Marcos makaraan ang Edsa revolt. (https://www.philstar.com/cebu-news/2010/04/26/569609/np-hits-noys-kamag-anak-inc.)
Ngayon naman, simula nang umupo noong 2022 si Pangulong Bongbong Marcos, nagkaroon na ng mga haka-haka nang pagpapatuloy ng kasaysayan sa pagkapit-tuko sa pwesto at nakita ito sa pumalpak na Charter-change at umiba ang anyo sa ngayo’y posibleng impeachment ni VP Sara.
Tanong: Magtutuloy-tuloy ba ang kilusang Cha-cha at impeachment kay Sara hanggang 2028 kung hindi masisibak si Sara sa mga darating na buwan?
Kung mangyari ito, ano ang kinalaman nito sa ibinuking ni VP Sara na P27 bilyong sariling Deped project noong 2023 at ngayong 2024 ng mga kongresman makaraan niyang tanggihan ang pangongomisyon ng mga ito at P13B AKAP nitong 2024 na milagrong lumitaw sa Bicameral Conference Committee at P39B AKAP muli ngunit tinigbak ng mga senador, kasama si Sen. Imee Marcos, nitong nagdaang mga araw?