MANILA, Philippines- Inihayag ni Local Government Secretary Jonvic Remulla na hindi umano pulis ang nagmamaneho ng government vehicle na nasita sa ilegal na pagdaan sa EDSA Busway nitong Huwebes, Nobyembre 28, 2024.
Lumabas sa imbestigasyon na kinontrata umano ang driver ni Atty. Izza Mari Laurio na OIC ng National Barangay Operations Office ng DILG.
“Ayon sa investigation namin si Eddmiemil Diaz ay contractual service driver ng DILG wala po siya sa rolls ng PNP, wala po siya sa rolls ng kahit anong government law enforcement body,” paglilinaw ni Remulla.
“He has been given a show cause order to explain his side and same with OIC Laurio to determine her side,” dagdag ng kalihim.
Sinabi pa ni Remulla na hinihintay pang makumpleto ang imbestigasyon upang matukoy ang magiging pananagutan ng dalawa.
“Questions have to be answered before we give a proper punishment to the employees,” wika ni Remulla.
Batay sa video ng DOTr-SAICT, makikita ang pagsita ng tatlong kawani ng ahensya sa isang kotse na natukoy na government vehicle, subalit hindi ito huminto agad.
Nang tumigil naman ito ay ibinigay ang kaukulang dokumento sa mga awtoridad at nagkilala umanong pulis ang driver.