Home NATIONWIDE Apela ni Cassandra Li Ong sa DOJ: Kasong qualified trafficking ibasura

Apela ni Cassandra Li Ong sa DOJ: Kasong qualified trafficking ibasura

MANILA, Philippines- Ipinababasura ni Cassandra Li Ong ang reklamong qualified trafficking na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice (DOJ).

Si Ong ang isa sa mga incorporator ng Lucky South 99 na operator ng POGO hub sa Porac, Pampanga na sinalakay ng mga awtoridad nitong June.

Sa kanyang counter-affidavit, hiniling ni Ong sa DOJ panel of prosecutors na i-dismiss ang reklamo laban sa kanya dahil sa kawalan ng ebidensya na magdidiin sa kanya sa kaso.

Inihayag ni Ong na maliban sa mga haka-haka at sapantaha, walang nakasaad sa reklamo na mag-uugnay sa kanya sa kasong qualified trafficking.

Dumalo nitong Biyernes si Ong sa preliminary investigation ng DOJ.

Si Ong ay isinama bilang respondent dahil sa kaugnayan nito sa Whirlwind Corporation na siyang nagpapaupa sa Lucky South 99.

Si Ong ay kasalukuyan nakakulong sa Correctional Institute for Women.

Itinakda naman ng DOJ panel of prosecutors ang susunod na preliminary hearing sa Disyembre 3. Teresa Tavares