MANILA, Philippines- Sa huling pagkakataon ay nanindigan ang transport groups laban sa Public Transport Modernization Program (PTMP) ng pamahalaan nitong Biyernes, sa huling araw para sa pag-aapply ng individual jeepney operators para sa konsolidasyon.
Dose-dosenang PISTON at Manibela members ang nagmartsa sa opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City upang muling ipanawagan ang pag-renew sa kanilang mga prangkisa at provisional authority para makapasada.
Tutol sila sa konsolidasyon o pagsuko ng kanilang mga prangkisa sa kooperatiba o korporasyon.
“Umaasa tayo na sa dulo ng deadline na ito, ay makakabiyahe pa rin tayo. At itong susunod na taon ay mapapayagan na kaming makapagrehistro at ma-renew o ma-extend yung aming provisional authority,” ani Manibela Chairman Mar Valbuena.
“Yung dati nakakabiyahe ng lima hanggang anim na beses, ngayon dalawang beses na lamang. Hindi ka na papipilahin nang kada araw. Laging nasa unahan yung mga modern (jeepney) kasi nga naghahabol ng quota, naghahabol ng pambayad… So kahit sumama, wala na silang pupuntahan kundi phaseout sila,” dagdag niya.
Binatikos naman ni PISTON National President Mody Floranda sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa pagiging abala umano sa kanilang alitan na hindi na umano napapansin ng mga ito ang kalagayan ng transport workers at mga mananakay.
“Dapat ang pinag-uusapan nila paano nila aayusin yung lipunan. Pero hindi e. Ito ay paano nila poproteksyunan yung kani-kanilang sariling interes kaya yung nagsa-suffer, ang mga mamamayan,” sabi ni Floranda.
“Yung bilyung-bilyong kanilang pinag-aawayan dapat ilaan nila sa serbisyo e. Dapat dito nila ilaan sa usapin ng public transport,” dagdag niya.
Sa kabila ng patuloy na protesta laban sa modernization program, iginiit ng Department of Transportation (DOTr) na wala nang magaganap na negosasyon, at pinal na umano ang deadline para mag-consolidate.
Ituturing na colorum vehicles ang unconsolidated jeepneys.
“Marami na pong nagawa yung ating government in really enticing, encouraging, and accommodating yung mga gustong sumama sa programa… Kitang-kita naman po natin na yung mga ganitong protesta are the same people, same group na kahit siguro ilang extension ang gagawin natin ay talagang wala naman silang interes na sumama,” ani DOTr Undersecretary Andy Ortega.
Ayon naman kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, umabot na ang nationwide consolidation rate sa 90 porsyento mula sa 83 porsyento matapos ang inisyal na April 30 deadline.
“We’ve reached 90 percent, tama na yun. There is enough and ample public utility jeeps to service us,” sabi ng opisyal.
Pagtitiyak ni Ortega sa commuters, magbibigay ng special permits sa mga kooperatiba at korporasyon upang makabiyahe sa mga kritikal na ruta o kung saan walang grupong nakibahagi sa konsolidasyon. RNT/SA