MANILA, Philippines- Kasama ang isa pang artista sa reklamong inihain laban kay Neri Naig para sa umano’y syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code.
Sa ulat nitong Biyernes, sinabi ni Atty. Roberto Labe, kumakatawan sa 39 complainants, na ang hindi pinangalangang artista ay endorser din ng Dermacare-Beyond Skin Care Solutions tulad ni Neri.
“Kinasuhan po namin ma’am ay lahat ng board of directors nila doon sa Dermacare Corporation na ‘yun plus lahat po ng mga endorsers. Siguraduhin po sana natin na ‘yung ineendorse nating produkto or corporation or services ay legitimate po,” pahayag ni Labe.
Ayon sa kanya, nahikayat umanong mamuhunan ang kanyang mga kliyente ng halos P90 milyon sa Dermacare dahil kay Neri at iba pang endorsers.
“Kasama po siya sa mga kinasuhan namin as endorser gawa po ng isa po siya sa mga dahilan, sabi nga po ng aking mga kliyente, kung bakit po sila ay lalong nagtiwala sa corporation na ‘yun dahil alam po nilang matino naman po ‘yung mga artistang endorser,” wika ng abogado.
Naging endorser at franchisee si Neri ng Dermacare noong Oktubre 2020, base sa ulat.
Subalit, sa isang Facebook post noong Setyembre 1, 2023, inanunsyo ni Neri na wala na siyang kaugnayan sa Dermacare. Iginiit din niyang anumang transaksyon gamit ang kanyang pangalan ay hindi awtorisado o ginawa nang walang permiso mula sa kanya.
Dagdag ni Labe, nagsimulang tumalbog ang mga tsekeng ibinigay sa kanyang mga kliyente ng Dermacare noong 2023 matapos magpalabas ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng abiso laban sa kompanya.
Batay sa SEC, ang Dermacare ay hindi awtorisadong mag-solicit ng investments dahil hindi rehistrado at walang lisensyang magbenta ng securities.
“Nakita namin ‘yung kanyang ‘franchise’ agreement… Ay hindi, sabi namin securities ‘to. It is an investment contract, so we warned the public,” wika ni SEC Director Filbert Catalino III.
Ayon pa sa SEC, maaari ring panagutin ang endorsers.
“‘Yung nagbebenta mismo ng securities, ‘yung salesman, ‘yung broker, ‘yung endorser, kailangan registered,” pahayag niya.
Kasalukuyang nakaditine si Neri sa female dormitory ng Pasay City Jail, habang nakabinbin ang kaso ng SEC laban sa Dermacare sa Department of Justice.
Kinukuha pa ang komento ng Dermacare at ni Neri. RNT/SA