Home OPINION AGAWAN SA KUSTODIYA KAY ALICE GUO

AGAWAN SA KUSTODIYA KAY ALICE GUO

ANONG meron sa agawan sa kustodiya kay sinibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo?

Ang gusto ng ilang senador, sa Senado dapat ikulong o kustodiya si Guo dahil ang warrant of arrest na inisyu nito ang ginamit ng mga pamahalaang Indonesia at Pilipinas para habulin at arestuhin ito.

Isa pa, may desisyon umano ang Supreme Court na nagsasabing mga matataas na opisyal ng gobyerno katulad ni Guo na isang mayor ay dapat Sandiganbayan ang may sakop o hurisdiksyon, lalo’t may graft and corruption na kaso ito.

Kung ganoon, ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court ng Tarlac ay walang bisa at dahil ang warrant na inisyu ng Senado ang balido, ang Senado dapat umano ang masunod kung saan ikukulong si Guo na kasalukuyan din nitong iniimbestigahan sa pagkakaugnay nito sa iligal umanong Philippine Offshore Gaming Operators.

Ayon naman kay Ombudsman Samuel Martires, mas superior ang warrant of arrest na inisyu ng korte sa Tarlac kaysa sa inisyu ng Senado.

Kaya naman, korte ang masusunod kung saan dapat kustodiya si Guo.

Isa pa, hindi na mayor si Guo kaya balido ang warrant of arrest mula sa korte.

Naunang sinibak umano ng Ombudsman si Guo at bago nag-isyu ang korte ng mandamiento de aresto.

Ayon naman sa Philippine National Police, hindi ilalabas si Guo mula sa Camp Crame patungong Senado hanggang walang court order dahil mas superior ang warrant ng korte kaysa sa Senado.

Bukod sa mga ligal na usapin sa kung kanino dapat may kustodiya kay Guo, mayroon bang ibang mga interes dito na mawawalang-saysay kung may paglilipat ng kustodiya?

Kapag maglilipat ng kustodiya, apektado ba ang mga pogi o ganda points sa kampanya sa halalang 2025 ang mawalan ng kustodiya?

Alalahaning may mga senador at iba pang opisyal ng pamahalaan na kandidato sa halalang 2025 at sumasakay sa kaso ni Guo para sumikat at manalo.