NAKABABAHALA ang sunod-sunod na motor vehicle accidents. Maraming buhay ang kinitil at mga ari-arian ang nasira dulot ng mga road crash.
Ayon sa 2018 report ng World Health Organization, tinatayang nasa 1.35 milyon ang namamatay kada-taon dahil sa road traffic accident. Sa kanilang talaan, pangwalo ang naturang aksidente sa dahilan ng kamatayan ng tao sa buong mundo sa lahat ng edad at unang-una naman para sa mga taong nasa edad 5 hanggang 29.
Bakit nga ba nangyayari ang aksidente at ano-ano ang mga dahilan nito?
Karaniwang lumalabas sa imbestigasyon ang hindi pagsusuot ng seatbelt sa mga 4-wheel vehicle at hindi pagsusuot ng approved na helmet para naman sa motorcycle drivers na nasangkot sa sakuna. Naitala din ang mga violation tulad ng over speeding, mga driver na nasa ilalim ng impluwensya ng alak at impluwensya ng ipinagbabawal na gamot. Nakalista rin ang paggamit ng cellphone at pagpihit ng radio tuner sa mga dahilan ng multiple fatalities.
May kontribusyon din sa aksidente ang hindi pagsunod sa road safety signs and traffic rules, over fatigue, pagmamaneho ng walang lisensya, kawalan ng inspeksyon sa sasakyan, hindi mabuting asal ng driver at kawalan ng refresher at advanced training sa defensive driving.
May programa ang pamahalaan sa pamamagitan ng Land Transportation Office at Technical Education and Skills Development Authority sa pagsasagawa ng ganitong klase ng training. Ang problema nga lang ginagawa lamang ito ng mga datihang driver sa pagre-renew ng kanilang lisensiya. Sa sampung taong validity ng lisensya ayon sa bagong patakaran ng LTO, hindi tayo nakasisiguro na maaalala ng mga driver ang mga naging leksyon sa natanggap na driver’s training.
Kaya nararapat lamang na kabilang sa mga inihaing panukala ng kongreso ang refresher at advanced driving courses para sa kapakanan ng lahat. Sa ganitong paraan, masisiguro natin ang kaayusan at kaligtasan ng driver at publiko sa bawat lansangan.
Maiiwasan na ang aksidente, lalago pa ang ekonomiya ng transport sector dahil sa refresher at advanced defensive driving courses.