Home ENTERTAINMENT Ai Ai, naaalala si Jiro kay Madonna!

Ai Ai, naaalala si Jiro kay Madonna!

Manila, Philippines – Naitsika ni Ai Ai delas Alas kung bakit naaalala niya ang anak-anakang si Jiro Manio tuwing nakikita niya ang poster, video o picture ng ’80s pop icon na si Madonna.

Faney din kasi ang komedyana ng tanyag na singer at Hollywood actress na nagpasikat ng mga kantang “Crazy for You”, “Like A Virgin”, “Like A Prayer,” atbp.

Kahit daw kasi idolo niya ito ay nagawa niya itong tikisin o isnabin para sa kapakanan ng kanyang anak-anakang si Jiro na ilang beses na niyang tinulungan mula nang ma-rehab ito dahil sa droga.

Ito ang inilahad niya nang makapanayam siya ng broadcaster turned vlogger na si Julius Babao.

“Diyos ko, dati nga hindi na nga ako nakapanood ng concert ni Madonna.

“Alam mo ba ‘yun? Nag-concert si Madonna dito.

“E, yung ano niya, sa rehab niya Php 60,000 ‘yun. E si Madonna, Php 50,000 yung ano, ticket. Kulang pa ako ng Php10,000. ‘Di nalang ako nanood. Binayad ko nalang ‘dun sa ano,” pagbabalik-tanaw ni Ai-Ai.

“Kaya tuwing nakikita ko si Madonna, naaalala ko si Jiro. Nakakainis…

“Tingnan mo hindi ko tuloy napanood si Madonna, idol na idol ko pa naman ‘yun,” dugtong niya.

Gayunpaman, wala raw naman siyang pagsisisi dahil may isang kaluluwa raw naman siyang naisalba.

Sa naturang tsikahan, nabalitaan din daw niya ang ginawang pagbebenta ni Jiro ng award nito kay Boss Toyo.

Nagbahagi rin ng anekdota ang tinaguriang Comedy Queen na siya raw ay minessage rin ng aktor noon para bentahan ng cellphone. Archie Liao