Home NATIONWIDE Pagtitiyak ni PBBM: POGO crimes tinutugunan ng pamahalaan

Pagtitiyak ni PBBM: POGO crimes tinutugunan ng pamahalaan

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nananatiling “on top of the situation” ang gobyerno sa gitna ng mga krimen na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Sa naging talumpati ng Pangulo sa San Fernando, Pampanga, kung saan sinalakay kamakailan ang illegal POGO site, tiniyak ni Pangulong Marcos sa mga tao na ang gobyerno ay kasalukuyang gumagawa ng paraan para tugunan ang iba’t ibang krimen na may kinalaman sa POGO.

“Alam ko rin po, na labis ang inyong pagkabahala sa mga kriminalidad at ilegal na mga gawain na sumisira sa kapayapaan ng inyong pamayanan,” ayon kay Pangulong Marcos sa naging pagbisita nito sa lalawigan, araw ng Biyernes, Hulyo 12.

“Nais ko pong ipaalam sa inyo na amin pong tinututukan at tinutugunan ang problemang ito,” dagdag niya.

Sinabi pa rin ng Pangulo sa mga ito na bumuo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng isang task force na tututok sa illegal activities na nag-uugnay sa POGO operations sa Pampanga.

“Sa katunayan, mayroon nang ginawang task force ang DILG para tutukan ang mga ilegal na gawaing kaugnay ng mga naririnig nating mga POGO,” paglalahad ng Pangulo.

Sa naging talumpati pa rin ng Pangulo, sinabi nito na ang laban kontra smuggling ng illegal drugs ay nagpapatuloy.

“[P]atuloy din ang pakikipagtulungan ng Bureau of Customs sa ilang ahensya upang matigil na ang pagpupuslit ng ilegal na droga dito sa bansa. Patuloy din po ang mga hakbangin ng PDEA upang masawata ang ilegal na droga,” giit ni Pangulong Marcos. Kris Jose