MANILA, Philippines- Pinarangalan ng Philippine National Police (PNP) at Department of Interior Government (DILG) ang apat na miyembro ng Manila Police District (MPD) na sugatan matapos ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng dalawang suspek na sisilbihan sana ng warrant of arrest sa Balut, Tondo nitong Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ang mga sugatang pulis na sina PLt. Col. John Guiagii na hepe ng MPD District Intelligence Division, MPD-SMaRT Chief, P/Maj. Dave Apostol, PMSg Julious Omolon at PCpl Keith Paul Valdez, pinarangalan ng “PNP wounded medal.”
Kasama ni MPD Director P/Gen. Arnold Thomas Ibay sina PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil at DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. na bumisita sa mga sugatang pulis-Maynila sa Chinese General Hospital nitong Biyernes ng umaga upang kamustahin at alamin ang kanilang mga kalagayahan.
Nauna rito, magsisilbi lamang sana ng warrant of arrest ang mga pulis laban sa napatay na suspek na si Archie Juco o alyas RJ Bata sa kasong murder ngunit tumakbo at tumalon sa mga bubong ng kapitbahay.
Sa halip na sumuko, nagpaputok ito sa mga pulis kasama ang isa pang suspek na si alyas Macmac kaya tinamaan ang mga operatiba.
Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta ng agarang kamatayan ng dalawang suspek.
Pinuri naman ng MPD ang katapangang ipinamalas ng mga sugatang pulis at ang kanilang pagsunod sa sinumpaang tungkulin kahit buhay pa nila ang nakataya.
Kapwa naka-confine ngayon sa naturang ospital ang apat na pulis at nagpapagaling sa mga tinamong tama ng bala. Jocelyn Tabangcura-Domenden