BALER, Aurora- Nangako si Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. nitong Biyernes na aayusin ang paliparan dito upang makaakit ng mas maraming turista at magkaroon ng mas trabaho.
Sa pamamahagi ng presidential assistance sa mga benepisyaryo, sinabi ni Marcos na patuloy na pinagpaplanuhan ng gobyerno ang Baler Airport Development Project sa layuning makabili ng mas malaking aircraft.
”Bukod dito, patuloy din ang pagbabalangkas natin sa paggawa ng Baler Airport Development Project. Mahalaga ito upang maaari nang makatanggap ng mas [malalaking] eroplano at dumami pa ang pasahero na kaya nitong pagsilbihan,” ani Marcos.
”Nitong Hunyo lamang, naayos na po ng CAAP ang [pagbili sa] mga lupa na kailangan natin para dito [at] ngayong Agosto nakatakdang ilabas na ang pondo sa mga may-ari ng lupa ng mga ‘yan upang masimulan na ang ating konstruksyon,” dagdag niya.
Ayon sa Pangulo, magtatayo rin ng passenger terminal building bilang bahagi ng airport development.
Isa ang Baler sa top tourist destinations sa bansa at hub para sa surfing activities.
Bukod sa airport development project, binanggit din ni Marcos na ang Dingalan-Baler Road Project ay 50% kumpleto na. RNT/SA