Home NATIONWIDE AI ban sa 2025 polls pag-aaralan ng Comelec

AI ban sa 2025 polls pag-aaralan ng Comelec

MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado, Hunyo 1 na posibleng magsimula sa susunod na linggo ang usapin sa panukalang pagbabawal sa paggamit ng artificial intelligence (AI) at deepfakes para sa 2025 elections.

“Sa Wednesday po tatalakayin ‘yan ng commission en banc… Madami po tayong kokonsultahin dito sa puntong ito patungkol sa AI,” sinabi ni Comelec chairperson George Garcia sa panayam ng DZBB.

Nauna nang ipinanukala ni Garcia sa Comelec en banc na pagbawalan ang mga kandidato na gumamit ng AI technology at deepfakes sa kanilang electoral campaigns.

“The abuse of this technology in campaign materials such as videos, audios, or other media forms may amount to fraudulent misrepresentation of candidates,” ani Garcia.

“Tatandaan natin, hindi naman lahat ng AI ay masama….Pero yung AI na nagca-cause ng disinformation o kaya para sirain ang iyong mga kalaban, o kaya naman para sirain ang integridad ng ating halalan, ayan ang tinatatwag natin na bad AI,” dagdag pa niya.

“Ang importante dito kung magkakaroon ng regulasyon ang Comelec…yung mga platform mao-obliga ngayon, dahil prohibited o regulated, mao-obliga ngayon na sundin agad ang Comelec.”

Kamakailan ay nanawagan ang Comelec sa Kongreso na bumuo ng batas na papayag sa poll body na magkaroon ng regulasyon sa social media posts ng mga kandidato sa panahon ng kampanya upang maiwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.

Sa kasalukuyan ay walang batas na nagbabawal sa paggamit ng deepfakes, ngunit noong nakaraang taon ay may inihaing panukala sa Kamara na naglalayong patawan ng parusa ang sinumang gagamit ng deepfake technology sa pagsasagawa ng mga krimen ng penalty na ‘one degree higher’ kaysa sa nakasaad sa Revised Penal Code o corresponding laws. RNT/JGC