Home NATIONWIDE Cattle, meat products mula UK ipinagbawal ng DA

Cattle, meat products mula UK ipinagbawal ng DA

MANILA, Philippines – Pansamantalang ipagbabawal ng Department of Agriculture (DA) ang pagpasok ng live cattle at by-products nito mula sa United Kingdom upang mapigilan ang pagkalat ng mad cow disease.

Hindi pa nailalabas ng DA ang kopya ng Memorandum Order No. 20 na nagpapatupad ng importation ban sa cattle, meat, meat products, bovine processed animal proteins at cattle semen.

Ngunit sa pahayag ng ahensya nitong weekend, sinabi ng DA na layon ng direktiba na pigilan ang pagkalat ng Bovine Spongiform Encephalopathy (BSE), o mas kilala bilang mad cow disease, upang protektahan ang mga consumer at livestock industry na nagkakahalaga ng P260 bilyon sa nakalipas na taon.

“Mad cow disease can cause fatal nerve damage in cattle and its entry or possible spread in the country could undermine the livestock industry and compromise food safety,” saad sa DA order na may petsang Mayo 30.

“Further, it is zoonotic in nature and causes Creutzfeldt-Jakob disease in humans manifested through brain shrinkage and deterioration,” anang DA.

Sa kabila ng importation ban, ang lahat ng kargamento na ‘in transit’ na, naikarga o tinanggap sa mga pantalan at paliparan ay dapat na payagan basta’t ang mga ito ay kinatay bago o noong Abril 10, 2024.

Magpapatupad ang DA ng mahigpit na inspeksyon sa lahat ng mga dumarating na mga karne at by-products mula sa mga baka, kabilang ang buhay na hayop at bovine processed animal proteins sa mga ports of entry upang masiguro na ang mga non-infected at ligtas na produkto lamang ang papasok sa bansa.

Binuo ang memo matapos na mag-abiso ang British authorities sa World Organization for Animal Health sa pagkakaroon nito ng classical strain, C-type BSE na naitala sa South Ayrshire, Scotland noong Mayo 10.

Bumili ang Pilipinas ng 273.6 milyong kilo ng imported meat sa nakalipas na tatlong buwan o hanggang Marso ngayong taon, ayon sa pinakahuling datos ng Bureau of Animal Industry. Mas mataas ito ng 3.1 percent mula sa 265.5 milyong kilo sa kaparehong panahon noong 2023. RNT/JGC