Home TOP STORIES Aide ng solon idinadawit sa pagpondo sa NPA

Aide ng solon idinadawit sa pagpondo sa NPA

MANILA, Philippines – Isang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nagdawit kay Benjie Tocol, local chief of staff ng isang mambabatas sa Aklan, bilang tagapondo ng terorismo.

Sa kabila nito, mariing itinanggi ni Tocol sa kanyang 17-pahinang counter-affidavit bilang tugon sa kasong isinampa laban sa kanya ng Criminal Investigation and Detection Group-Aklan (CIDG-PFU).

Ayon sa CIDG-PFU, isang naarestong miyembro ng NPA na si Brince Gegodas ang nagsabing si Tocol umano ang nag-utos sa kanya noong Abril 2023 na maghatid ng groceries at pera kay Jose Edwin Guillen, isang opisyal umano ng NPA, sa Ceres Terminal sa Kalibo, Aklan.

Sa isang entrapment operation noong Hunyo 27, 2023, namataan umano si Tocol sa lugar ng insidente at nagpahayag na siya ay tauhan ni Haresco bago umalis.

Bilang bahagi ng kanyang plea-bargaining agreement, ipinakita ni Gegodas sa mga awtoridad ang call logs ng kanyang umanoy komunikasyon kay Tocol at Guillen.

Bagaman itinanggi ni Tocol ang paggamit ng mobile number na ginamit sa transaksyon, natuklasan umano ng mga imbestigador na ang GCash account na konektado rito ay nakarehistro sa kanyang pangalan at nananatiling aktibo batay sa isang remittance transaction noong Pebrero 21, 2025.

Kung mapatunayang nagkasala sa ilalim ng Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act, maaari siyang makulong ng hanggang 40 taon at pagmultahin ng P500,000 hanggang P1 milyon.

Si Tocil ay kilalang aide ni Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco Jr. RNT