MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Mayor Albee Benitez ng Bacolod City ang plano ng lungsod na magtayo ng isang pedestrian mall sa Ferrero St. sa harap ng dinemolish na Manokan Country, at isang mall sa lungsod.
Inilaan ang P50 milyon na badyet para sa naturang proyekto.
Ani Benitez, layon ng conversion ng Ferrero St. bilang isang pedestrian mall na palakasin ang economic activity sa lugar at gawin itong lugar na isang night market.
Papayagan ang mga sasakyan na dumaan sa mga kalsada tuwing umaga hanggang hapon, at isasara tuwing gabi.
Sinabi pa ng alkalde na ang Market Board naman ang magdedesisyon ng mga vendor na maaaring makapag-operate sa lugar.
Idinagdag pa na ilalagay ang isang dome at ang mga ambulant vendors ay iimbitahan para lumahok sa bagong venture.
Sinabi ni Benitez na plano nilang mag-apply ng exemption sa Commission on Elections para sa naturang proyekto.
Siniguro naman ng alkalde na ang Manokan Country ay mananatiling isang “intangible cultural heritage” at ipi-preserba.
Matatandaan na isinawaga ang demolisyon dito para magbigay-daan sa P4 bilyong redevelopment project ng lungsod sa pakikipagtulungan sa SM Prime Holdings Inc. (SPHI). RNT/JGC