MANILA, Philippines – Siniguro ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian sa publiko na walang kakayahan ang mga politiko sa pagkontrol sa pagpapatupad ng P26 bilyong aid program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isinama sa 2025 national budget.
Ayon kay Gatchalian, hindi kailangan ng request mula sa sinumang politiko o opisyal ng pamahalaan ang potential beneficiaries ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (Akap) dahil DSWD lamang ang sole implementer nito.
“The whole P26 billion will be implemented by DSWD, not politicians, not our public servants. That is DSWD’s funds. All of that—every cent—will go through scrutiny by our social workers,” pahayag ng opisyal sa panayam sa radyo nitong Biyernes.
Ang paglilinaw ni Gatchalian ay kasunod ng mga agam-agam sa pagbabalik ng P26 bilyong pondo para sa AKAP sa proposed 2025 General Appropriations Act (GAA) ng bicameral conference committee noong Disyembre 11.
Ang Akap ay isang social assistance program para sa “not belonging to the poorest of population,” ngunit labis na apektado ng inflation.
Ayon sa DSWD, ang one-time cash assistance ay nagkakahalaga ng P3,000 hanggang P5,000 sa eligible beneficiaries.
Matatandaang ipinanukala ni Senador Imee Marcos ang pag-aalis ng Akap mula sa badyet ng DSWD sa susunod na taon.
Para sa kanya, mas mahalaga ang mga programa na may long-term benefits katulad ng Sustainable Livelihood Program at Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services. RNT/JGC