Home NATIONWIDE AKG chief Ragay, sibak sa pwesto sa pagkamatay ni Anson Que –...

AKG chief Ragay, sibak sa pwesto sa pagkamatay ni Anson Que – PNP

MANILA, Philippines – Inalis sa pwesto si Police Brigadier General Elmer Ragay bilang hepe ng Anti-Kidnapping Group (AKG) kasunod ng pagdukot at pagkasawi ng businessman na si Anson Que, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes, Abril 10.

“We would like to confirm na-relieved po as Director AKG si General Elmer Ragay,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo.

Ayon kay Fajardo, nagpahayag ng pagkadismaya si PNP chief Police General Rommel Marbil sa performance ni Ragay bilang AKG chief.

“Ito lang po ang pinapasabi ni Chief: He is not satisfied with the performance. That is why he (Ragay) was relieved and replaced,” ani Fajardo.

Si Ragay ay pinalitan ni Police Colonel David Poklay, na nagsilbi bilang deputy director for operations ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Matatandaan na natagpuan ang businessman na si Anson Que at ang kanyang drayber na wala nang buhay sa gilid ng kalsada sa Rodriguez, Rizal nitong Miyerkules.

Ayon sa Police Regional Office 4A (PRO 4A), nadiskubre ang mga bangkay ng isang concerned citizen sa Sitio Udiongan, Barangay Macabud bandang alas-6 ng umaga.

“The two bodies were placed in a nylon bag, tied with nylon rope, and their faces were wrapped with duct tape,” sinabi ni PRO 4A public information office chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran.

May suot lamang na underwear ang mga biktima at duguan ang kanilang mga ulo.

Matatandaan na inalis din sa pwesto si Ragay noong Pebrero sa isyung bumalo sa operasyon para sagipin ang dinukot na Chinese victim na isang menor de edad.

Ibinalik si Ragay matapos ang kanyang administrative relief dahil sa election period regulation. RNT/JGC