Home OPINION AKSYON NI ABALOS VS SCALAWAGS INAABANGAN

AKSYON NI ABALOS VS SCALAWAGS INAABANGAN

LIKAS na yata talaga sa tao ang ugaling kawalan ng kasiyahan dahil kahit nakamit na ang mga pangarap ay naghahangad pa ng kalabisan na sinasabing para sa kanilang pamilya.

Isang halimbawa ang ilang pulis na bagaman may malaking sweldo na bukod pa sa allowance mula sa lokal na pamahalaan, gumagawa pa rin ng iligal na aktibidad para mas kumita pa ng limpak-limpak na salapi.

Siyempre, kabilang sa talaan ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno na hindi nasisiyahan sa napakalaking sahod at allowance at naghahangad pang pumasok sa mga kontrata o iba pang iligal na gawain para lang mas umapaw ang kanilang bulsa.

Sa dami ng kanilang nakamkam na salapi, lumiliit ang tsansa na mapasok sila sa bilangguan dahil kaya nilang takpan ng salapi ang kanilang kawalanghiyaan.

Kaya naman ang ilang mga tauhan ng pulisya ay lumilinya sa iligal na aktibidad at kumakapal ang mukha sa paggawa ng katiwalain sa paniwalang  marami pang katulad nila na mas mataas pa ang posisyon.

Noong Hunyo 2, dinukot ng mga miyembro ng sindikatong kinabibilangan ng mga pulis at sibilyan ang apat na banyaga at nakuhanan nila ng P2 milyon bilang ransom. Malas lang dahil nasakote sila nang makatakas ang dalawa sa kinidnap nila.

Tukoy na ang lider na konektado sa Bureau of Immigration at isang dating konsehal ng Maynila na kilalang notoryus sa iligal na gawain.

May ilang grupo naman ng pulis na ang raket ay “raid” para lumabas na ligal pero ang lakad ay mangulimbat na tila mga tulisan. Noong Mayo 31 bago maghatinggabi, sinalakay ng mga tauhan ng Special Project Office ng Department of Interior and Local Government ang King & Queen Bar sa Macapagal Boulevard dahil may sasagipin umanong mga biktima ng human trafficking.

Sa dami ng kanilang inaresto, kabilang ang mga customer, dayuhan at empleyado, na umabot sa mahigit 100 katao, napilitan ang mga itong makipag-coordinate sa Pasay City Police Station.

Walang nakasuhan sa mga hinuli dahil ang mga dokumentong ipinakita sa raiding team ay pawang ligal at wala isa man sa mga dinala sa presinto na biktima ng human trafficking.

Bago naghiwa-hiwalay, nagbanta ang abogadong kasama ng raiding team na huwag magrereklamo dahil babalikan nila ang mga ito. Nakarating na kay DILG Secretary Benhur Abalos ang pangyayari.

Managot kaya ang raiding team sa palpak na operasyon? Naghihintay ang taumbayan sa aksyon ni SILG.