Home OPINION NAKAPIPIKON NA ILIGAL NA ONLINE LENDING COMPANIES

NAKAPIPIKON NA ILIGAL NA ONLINE LENDING COMPANIES

“HINDI ako ang nangutang sa inyo, pero ako nang ako ang tinatawagan at tinatakot ninyo!”

Gustong-gusto itong isigaw sa mga tawag na natatanggap ng ilang ginamit na referral person ng borrowers sa iligal na online lending companies.

Paano kasi, kahit gabing-gabi o araw ng Sabado at Linggo, oras ng pahinga ng nagtatrabahong tao, makatatanggap naman ng tawag mula sa suspected spam number na kapag sinagot ay illegal online lending pala.

Katakot-takot na talak ang aabutin sa mga ahenteng tumatawag at sa bandang huli ay tatakutin pa na hindi sila titigil hangga’t hindi nagbabayad ang taong kanilang pinautang sa online.

May pagkakataon pa na inaaway ng mga ito ang referral person, na ayon sa iligal na online lending representative, ay siyang tumatayong guarantor. Guarantor? Eh ‘di sana nag-background check kayo kaugnay pagkatao nang nangungutang sa inyo. Noong nangungutang sa inyo ang borrower, sana man lang ay tinawagan n’yo ang ibinigay na referral person sa number nito. Ngayong hindi na kayo sinasagot ng nangutang sa inyo, namemeste kayo ng ibang tao.

Napakadali lang namang maningil sana at hindi ninyo kailangang mameste ng ibang tao. Bakit hindi ninyo puntahan sa bahay nila o kaya naman ay sa barangay nila n’yo ipahiya?

Hindi n’yo magawa kasi takot kayo na sa inyo mangyari ang ginagawa n’yong pamemeste dahil iligal kayo! Labag sa batas ang ginagawa n’yo! Dahil mas lalo ninyong inilulubog ang tao sa pagkakautang na iyong ipinagyayabang na inyong tinutulungan.

Sobra-sobrang patubo n’yo kaya sana tubuan kayo ng kulugo.

Teka nga pala, anong nangyari na sa SIM registration? Bakit kung kailan may batas kaugnay sa pagrerehistro ng mga numero ng telepono, tsaka naman naging laganap ang mga tawag ng mga manloloko?

Hindi kaya tayo naman ang niloko sa SIM registration? Isang paraan yata ito nang pagkuha ng detalye ng mga gumagamit ng cellular phone pero wala namang benepisyong kapalit ito sa mga naghirap na sumunod sa patakaran ng gobyerno.

O, dapat kumilos na ang National Telecommunications Company at sugpuin ang mga manloloko at nambubully sa mobile phone. Ganoon din ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group at National Bureau of Investigation.

Aba’y gawin naman ninyo ang inyong trabaho lalo na sa PNP na ang mantra ay “to serve and protect.”

Imbestigahan at hulihin ang mga iligal na online lending companies na nambibiktima ng ating mga kababayang lubhang nagipit dahil sa pangangailangan.