Home NATIONWIDE ‘Aksyon on the Spot’ hotline inilunsad ng LTO

‘Aksyon on the Spot’ hotline inilunsad ng LTO

MANILA, Philippines- Sa gitna ng pagkalat ng online scams, nagtalaga ang Land Transportation Office (LTO) ng hotline na tutugon sa mga reklamo, kabilang ang phishing scams na nambibiktima gamit ang pekeng traffic violations.

Tinaguriang “Aksyon on the Spot”, hinihikayat ang road users na magpadala ng SMS o text messages sa telephone number (0929) 2920865 kung makaengkwentro ng abusadong motorista sa kalsada.

Inihayag ni LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na tutugunan ng hotline ang phishing scams at abusadong motorista sa pamamagitan ng pagtitiyak ng mabilis na pagresponde ng pamahalaan.

“Kaya mula sa mga simpleng mga paglabag sa batas trapiko hanggang sa road rage at maging ang paggamit ng wang-wang na mahigpit na ipinagbabawal ngayon ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. under the Bagong Pilipinas, makakaasa ang ating mga kababayan ng mabilis na tugon mula sa inyong LTO, mula sa inyong pamahalaan,” pahayag ni Mendoza. 

Idinagdag niya na mamamahagi ang LTO ng “Aksyon on the Spot” stickers sa mga motorista, partikular sa mga nagre-renew ng kanilang vehicle licenses.

“Tinitiyak namin sa ating mga kababayan na anumang impormasyon na ibibigay sa atin sa pamamagitan ng ating hotline ay ituturing na confidential at protektado ng ating Data Privacy law,” giit ni Mendoza.  

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), makikipag-ugnayan ito sa iba pang law enforcement agencies upang paghusayin ang implementasyon ng “Aksyon on the Spot” hotline at iba pang aktibidad. RNT/SA