Home NATIONWIDE Mas masaganang ani inaasahan ng DA ngayong 2024 sa kabila ng El...

Mas masaganang ani inaasahan ng DA ngayong 2024 sa kabila ng El Niño

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Agriculture (DA) Linggo na maaaring mas maraming palay ang maani ngayong taon kumpara noong 2023 sa kabila ng epekto ng El Niño phenomenon sa bansa. 

Sa isang panayam, inihayag ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na inaasahan nila ang 20.4 million metric tons ng bigas na maaani ngayong 2024, kumpara sa 20.06 million metric tons na naani noong 2023. 

“Inaasahan natin na mas malaki ang ating harvest ngayong taon. Kasi nga last year ay 20 [million metric tons], ngayon ay 20.4 [million metric tons]. Inaasahan natin ngayong wet season, mas mataas din ang ating inaasahang harvest,” pahayag ng DA spokesperson. 

“Of course, mas maganda na ang ating mga variety ngayon ng mga binhi at saka mga interventions natin,” dagdag niya.

Subalit, binanggit ni De Mesa na maaaring bahagyang bumaba ang rice harvest ng bansa sa unang quarter ng taon ng 100,000 metric tons. 

“‘Yun ay napakaliit. Less than 1% [that is very small, only less than 1%],”  aniya, at idinagdag na “madali” umanong mapapalitan ang kabawasan sa pamamagitan ng pag-aangkat. Aniya, nakapag-angkat na ang bansa ng 1.6 million metric tons ng bigas.

Kumpiyansa rin ang opisyal na sa kasalukuyan ay sapat ang suplay ng bigas sa bansa.

Batay sa pinakabagong datos ng pamahalaan hanggang nitong Mayo 2, umabot na ang pinsala sa agrikutura dulot ng El Niño sa P5.9 bilyon. RNT/SA