Home NATIONWIDE PBBM: ‘Permitting process’ para sa flagship infra projects gawing simple

PBBM: ‘Permitting process’ para sa flagship infra projects gawing simple

MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing simple ang proseso para pahintulutan ang185 infrastructure flagship projects (IFPs) at mapabilis ang kanilang implementasyon.

Nakasaad sa Executive Order No. 59, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Abril 30, na mayroong pangangailangan na gawing mas simple ang proseso para sa pagpapalabas ng required na lisensya, clearance, permit, sertipikasyon o awtorisasyon para mapabilis ang implementasyon ng IFPs, alinsunod sa Republic Act No. 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007.

“[T]he Philippine Development Plan 2023-2028 recognizes the need to expand and upgrade the country’s infrastructure to achieve meaningful economic transformation,” ang nakasaad sa kautusan.

Dahil dito, wala ibang national o local permit o clearance ang ire-require sa “construction, installation, repair, operation, and/or maintenance” ng IFPs maliban sa:

  • Environmental Compliance Certificate/Certificate of Non-Coverage na ipinalabas ng Department of Environment and Natural Resources

  • Building Permit/Occupational Permit/Certificate of Occupancy na ipinalabas ng City/Municipal Building Official

  • Excavation Permit na ipinalabas ng concerned LGU, National Commission for Culture and the Arts, Metropolitan Manila Development Authority, Department of Public Works and Highways (DPWH), at/o ng Bases Conversion and Development Authority

  • Iba pang requirements na nakamandato sa Konstitusyon at umiiral na mga batas.

Ang mga nasabing streamlined requirements ay ia-apply sa lahat ng nakabinbin at bagong aplikasyon na isinumite ng national government agencies at local government units para sa mga proyekto na kasama sa National Economic and Development Authority (NEDA) Board-approved list ng IFPs.

Buwan ng Pebrero, itinaas ng NEDA Board ang kabuuang halaga ng infrastructure flagship projects, nagdagdag ito ng 23 bagong proyekto at inalis ang 36 na iba pa.

Hindi tinukoy ng NEDA ang mga karagdagan at inalis mula sa listahan, kung saan sinabi ng ahensya na ang pinakabagong adjustment ay nagresulta ng kabuuang bilang ng IFPs na 185 na may halaga ng P9.14 trillion, kung ikukumpara sa 197 IFPs noong December 2023 list, may kabuuang P8.7 trillion.

Nakasaad pa rin sa EO 59 na ang lahat ng NGAs at LGUs na may kinalaman sa pagpapalabas ng lisensya, clearance, permit, sertipikasyon o awtorisasyon para sa IFPs ay kailangang suriin ng kani-kanilang Citizen’s Charters upang sa gayon ay maalis ang hindi kailangan at mga pabigat na pamamaraan at requirements.

Dapat ding maging limitado sa tatlo ang bilang ng ‘signatories’ sa kahit na anumang dokumento, tumutukoy sa mga opisyal na direktang namamahala sa tanggapan o departamento.

Inatasan din ang NGAS at LGUs na i-adopt ang sistema para sa online submission at pagtanggap ng aplikasyon para, at pagpapalabas ng lisensya, clearance, permit, sertipikasyon o awtorisasyon na may kaugnayan sa implementasyon ng IFPs. Inatasan din ang mga ito na tumanggap ng digital payments.

Itatatag naman ang one-stop shop para sa IFPs para makapagbigay ng frontline services sa mga aplikante na nais makakuha ng lisensya, clearance, permit, sertipikasyon o awtorisasyon para sa IFPs, “subject to existing laws, rules and regulations.”

Samantala, gagamitin naman ang NEDA Board Committee on Infrastructure para magsilbi bilang steering committee para magbigay ng policy direction para sa epektibong implementasyon ng EO 59. Kris Jose