MANILA, Philippines- Dumating sa Tuguegarao Domestic Airport sa Cagayan Linggo ng umaga ang labi ng isang 30-anyos na Pinay overseas worker, na namatay sa baha sa Dubai sa United Arab Emirates (UAE).
Sakay ng Philippine Airlines, ang mga labi ni Marjorie Saquing-Ancheta, 30, at lumapag dakong alas-10:30 ng umaga.
Sinalubong ang labi ni Saquing-Ancheta, residente ng Barangay Masical sa bayan ng Amulug , Cagayan, ng kanyang naulilang pamilya, opisyal at ilan niyang kababayan sa airport kasama ang mga staff ng Overseas Workers Welfare Administration.
Dinala rin ang bangkay kalaunan sa funeral parlor sa nasabing bayan bago ihatid sa kanilang bahay sa Masical Village para iburol.
Noong nakaraang buwan, sinabi ng opisyal ng Pilipinas na tatlong Filipino ang namatay sa matinding pagbaha kasunod ng hindi pangkaraniwang malakas na bagyo, sa UAE.
Si Ancheta ay nakatakda sanang umuwi sa Cagayan sa Setyembre para magbakasyon at ipagdiwang ang kaarawan ng kanyang kambal na anak na babae ngunit umuwi itong nakakahon matapos siyang malunod sa malawakang pagbaha na nangyari sa UAE noong Abril 17.
Ayon sa ulat, namatay si Ancheta sa loob ng sasakyan na lumubog sa baha.
Siya ay guro sa Dubai at solong sumusuporta sa tatlo niyang anak na iniwan niya sa kanyang magulang.
Ang kanyang panganay na anak ay walong taong gulang habang ang kanyang kambal ay isang taong gulang pa lamang. Jocelyn Tabangcura-Domenden