MANILA, Philippines – Iniulat ng PHIVOLCS na mas dumami ang rockfall incidents at pyroclastic density currents (PDCs) sa Mayon Volcano sa nakalipas na 24 oras.
Mula alas-12 ng hatinggabi ng Lunes hanggang alas-12 ng hatinggabi ng Martes, 206 rockfall events at 63 PDCs ang naitala—mas mataas kumpara sa naunang ulat.
Nagbuga rin ang bulkan ng 526 tonelada ng sulfur dioxide noong Enero 11, at may usok na umabot sa 1,000 metro mula sa bunganga.
Nakita rin ang crater glow at nananatiling inflated ang anyo ng bulkan.
Nananatili ang Alert Level 3, kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometrong permanent danger zone at may babala sa extended danger zone.
Ipinagbabawal din ang paglipad ng sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.
Ayon sa NDRRMC, 4,141 katao o 1,131 pamilya ang apektado ng aktibidad ng Mayon sa Albay, kung saan karamihan ay nasa evacuation centers.
Umabot na sa P8.6 milyon ang tulong na naibigay.
Ayon kay Governor Noel Rosal, may ilang evacuees na nagkakasakit ngunit kontrolado ang sitwasyon.
“Hindi naman ganoon karami. Alam mo naman ang panahon ngayon, umuulan, umiinit. May mga bata pero mga ilan-ilan lang. Pero under control naman natin,” ani Rosal.
Naghahanda rin ang lalawigan sakaling itaas sa Alert Level 4 ang Mayon.
“Iyan ang talagang challenge sa atin because pag sinabi mong Alert Level 4 and eventually mag-5 na iyan… you’re talking about 50,000 to 70,000 individuals,” sabi pa niya.
“Siyempre tataasan natin ang numero ng mga evacuation centers at ‘yung ating mga pagkain dapat ihanda natin kasi hindi natin alam kung ilang araw o ilang linggo o buwan itong ating binabantayan na activity ng Mayon,” dagdag ni Rosal. RNT/MND