Home NATIONWIDE Akusado sa pagpatay sa modelo at TV talent inabswelto ng korte

Akusado sa pagpatay sa modelo at TV talent inabswelto ng korte

MANILA, Philippines- Bagama’t inabswelto sa kasong pagpatay sa bestfriend, pinagbabayad pa rin ng QC RTC si Althea Altamirano dahil sa pag-kidnap sa kaibigan nito na si Julie Ann Rodelas, ang pinaslang na modelo at television talent.

Sa 63-pahinang desisyon ni Quezon City RTC Branch 223 Judge Caridad Lutero, hinatulan na guilty sa pagpatay kay Rodelas ang boyfriend ni Altamirano na si Fernando Quiambao Jr., at sinintensyahan ng reclusion perpetua o mula 20 hanggang 40 taong pagkakabilanggo.

Bukod sa hatol na reclusion perpetua, iniutos ng korte kay Quiambao na magbayad ng ₱500,000 bilang danyos.

Si Altamirano ay pinawalang-sala dahil kahit napatunayang nakipagsabwatan siya sa pandurukot kay Rodelas, hindi naman napatunayan na may kasunduan ang mag-nobyo na patayin ang modelo.

Pinatay umano ni Quiambao si Rodelas matapos siyang makilala nito.

Sa rekord ng kaso, magkasama sina Altamirano at Rodelas nang ma-kidnap ang huli sa World Trade Center sa Pasay noong 2012 at mapatay at makita ang bangkay sa Cubao, Quezon City.

Hindi pa nakilala ang bangkay niya noon na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Ngunit sa pamamagitan ng resibo sa supot ng burger at fries na hawak ni Rodelas, natunton na sangkot sa insidente si Altamirano.

Napagkasunduan ng mag-nobyo na tuturuan lang ng leksyon si Rodelas dahil sa mga ikinakalat umano nitong tsismis laban kay Altamirano. 

Iniutos ng korte na palayain na si Altamirano mula sa QC female dormitory ngunit pinagbabayad ng ₱100,000 bilang moral damages. Teresa Tavares