Home NATIONWIDE Mas maigting na aksyon vs smuggling ng agri products ipinakakasa ni PBBM

Mas maigting na aksyon vs smuggling ng agri products ipinakakasa ni PBBM

MANILA, Philippines- Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Bureau of Customs (BOC) at ang Department of Agriculture (DA) para paigtingin ang implementasyon ng Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024.

Ipinalabas ng Pangulo ang kautusan kasunod ng pag-inspeksyon sa P178.5 milyong halaga ng smuggled mackerel sa Maynila, araw ng Sabado.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan ng pinaigting na aksyon laban sa smugglers na nakasisira sasupply chain, labis na nakaaapekto sa presyo ng agricultural products sa lokal na pamilihan.

Iginiit ng Chief Executive ang pagkakasamsam sa smuggled mackerel ay tanda ng unang kaso na isinampa sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024.

“Kaya’t ito ‘yung buong tinatawag na chain na kailangan nating buwagin,” ayon kay Pangulong Marcos.

“At ito’y, as I said, is the first case under the new law of the Anti-Agricultural Sabotage Act. So, I’ve spoken to our Bureau of Customs, and I’ve spoken to the Department of Agriculture and we have to keep going. Kailangang patibayin pa natin ito,” dagdag na wika nito.

Sa kabilang dako, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pag-inspeksyon sa 21 container vans ng frozen mackerel sa Port Area sa Maynila. Ang shipment ay naharang ng Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng BOC sa Manila International Container Port (MICP).

Ang frozen goods, nagkakahalaga ng P178.5 milyon ay nasamsam ng BOC sa pakikipagtulungan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng DA.

“Ang naging susi rito ay ang coordination between the different agencies. ‘Yun lagi ang pinakamahalaga because the different agencies were all working together, all the way up to the end. Because ang end-consumer nito, DSWD,” ayon kay Pangulong Marcos.

Winika pa ng Pangulo na ang mga nasamsam na mackerel ay ipamamahagi sa mga pamilya sa evacuation centers na apektado ng kamakailan lamang na sakuna.

Isasagawa ito sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang grupo gaya ng Bureau of Corrections (BuCor).

Idineklara naman ng BFAR na ang mackerel ay angkop para sa human consumption.

Iniulat ng mga awtoridad na noong Sept. 28 at 29, may kabuuang 58,800 karton sa 21 containers ng frozen mackerel shipments mula Tsina ang dumating sa MICP.

Sinabi ng mga opisyal, na ang shipment, consigned sa Pacific Sealand Foods Corp., ay lumabag sa DA Memorandum Order No. 14, s. 2024 na nagsususpinde sa pagpapalabas ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances para sa importasyon ng “scads, mackerel, at bonito.”

Nasamsam din ng BOC ang P5.87 bilyong halaga ng smuggled agricultural products mula July 2022 hanggang November 2024 bilang bahagi ng government efforts para tugunan ang agricultural sabotage.

Naghain naman ang ahensya ng 250 kaso na may kinalaman sa agricultural products na nagkakahalaga ng P8.59 billion mula 2018 hanggang 2024.

Iniulat ng BOC ang apat na convictions na may kinalaman sa illicit importation ng agricultural products. Kris Jose