Home METRO Albularyong nagtitinda ng anting-anting nakuhanan ng baril, bala sa Cavite

Albularyong nagtitinda ng anting-anting nakuhanan ng baril, bala sa Cavite

1
0

MANILA, Philippines – Isang 72-anyos na lalaking albularyo ang nadakip ng Cavite Criminal Investigation and Detection Group ( CIDG) makaraang makuhanan ng tatlong hindi lisensiyadong baril, bala at mga magazine sa isang search warrant operation sa Brgy Kawayan, General Trias City, Cavite

Sa report, kinilala ang suspek na si alyas na “Nilo,” 72-anyos at residente ng nasabing lugar.

Base sa ulat, isang search warrant ang isinagawa ng CIDG Cavite Provincial Field Unit kaugnay sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban umano sa nasabing albularyo.

Narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang isang caliber .45 pistol, isang caliber .357 revolver, isang caliber .22 revolver, gayundin ang mga magazine at iba’t ibang uri ng bala.

Base sa nakarating na impormasyon kay CIDG Director PMGen. Robert A.A. Morico II, wala umanong kaukulang dokumento o permit ang suspek upang magmay-ari o mag-ingat ng mga nasabing armas na naging dahilan ng pagkakaaresto sa suspek.

Lumabas na kilala umano ang suspek sa kanilang komunidad bilang isang faith healer o albularyo, at bukod sa panggagamot ay sinasabing nag-aalok din ito ng pagbebenta ng mga agimat o anting-anting na umano’y nagbibigay ng proteksyon laban sa tama ng bala.

Nabatid pa sa CIDG, paraan umano ito ng suspek upang hikayatin ang mga mamimili ng baril habang isinasagawa ang demonstrasyon ng bisa ng mga agimat.

Dahil dito, nagdulot umano ng takot ang mga residente dahil sa madalas na pagputok ng baril sa lugar.

Pinuri naman ng pamunuan ng CIDG si Regional Field Unit 4A ni PCOL Ganaban C. Ali at Cavite CIDG Provincial Field Unit na si PLTCOL Mark Jason M. Gatdula sa matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng tatlong loose firearms at pagkakaaresto sa suspek.

Ayon sa CIDG, mahalagang hakbang ang naturang operasyon upang maalis sa sirkulasyon ang mga ilegal na armas na maaaring magamit sa karahasan at iba pang krimen.

Tiniyak din ng ahensya na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa mga lumalabag sa batas sa armas upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng publiko.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 ang senior citizen na albularyo. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here