MANILA, Philippines – Maaaring pumunta si Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson sa Taguig City, ang balwarte ni disgrasyadong ex-Senate President Alan Peter Cayetano, kapag maayos nang naipatutupad at malinis na sa korapsyon ang flood control program doon.
Biro ni Lacson, ayaw niyang malunod sa baha dahil matagal na siyang hindi nakapag-practice ng swimming. Nguni’t seryoso niyang binanggit na noong Hulyo, isang pitong taong gulang na bata ang nalunod sa lungsod matapos tangayin ng rumaragasang baha.
“Saka na lang pag maayos na ang flood control program sa Taguig. Matagal na akong walang practice mag-swimming; baka dun pa ako malunod sa tubig baha. Lol!” ani Lacson sa X.
Binigyang-diin ni Lacson ang pangangailangang maayos na maipatupad at malinis sa korapsyon ang flood control program ng Taguig City matapos malunod ang isang pitong taong gulang na batang lalaki habang naliligo sa baha. Natangay siya at na-recover ang kanyang labi sa Barangay Ususan sa Taguig City.
Ang Barangay Ususan ay ang lugar ng isa sa mga case studies na isinumite ni Lacson sa Ombudsman.
Sa isa sa mga pinakahuli nitong Facebook Live broadcast, “inimbitahan” ni Cayetano si Lacson na pumunta sa Taguig City at personal na tingnan ang mga infrastructure project doon—kahit nakakalap na si Lacson at ang kanyang team ng mga ebidensiya hinggil sa mga anomalya.
Sa nakalipas na mga linggo, ibinunyag ni Lacson ang mga detalye ng mga anomalya sa mga infrastructure project sa Taguig City. Nakapagsagawa na siya at ang kanyang team ng hindi bababa sa limang case study at nagsumite na ng mga ebidensiya sa Ombudsman para sa karagdagang imbestigasyon.
Noong weekend, naglabas si Lacson ng mga ebidensiyang nagpapakitang halos kontrolado ni Cayetano ang operasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang kaugnay na aktibidad sa Taguig City, kung saan napapalitan umano ang mga district engineer kapag kumikilos sila nang walang kanyang pag-apruba.
Binanggit din niya ang mga ebidensiyang nagpapakita ng posibleng 33-porsiyentong kickback structure sa mga infrastructure project sa lungsod.
Sinabi rin ni Lacson na iniuugnay ng mga ebidensiya si Cayetano sa mga reclamation project sa kahabaan ng lakeshore development ng Taguig na walang kinakailangang permit mula sa mga ahensiya ng gobyerno, kabilang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)—at pinondohan gamit ang mga alokasyon sa national budget na nakalaan sana para sa slope protection projects.
“Sabi ng aming resource person na maalam, hina-harass. Walang magawa. Pag may committee hearing papagalitan so na-harass ang mga tao. Wala din silang masyadong magawa kasi dumaan sa Speaker naging senador,” ani Lacson sa mga panayam sa radyo at TV nitong Biyernes.
“Nagulat kami sa dami ng anomalya sa Taguig. Maliit na siyudad pero grabe ang pondong pumapasok,” dagdag niya. Ernie Reyes