MANILA, Philippines- Naniniwala ang isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) na ang hinihinalang barko ng China Coast Guard na nakita umano sa karagatan ng munisipyo ng San Narciso sa Zambales nitong nakaraang linggo ay isang kaso ng AIS (Automatic Identification System) spoofing.
Ang AIS ay nagpapadala ng posisyon ng isang sasakyang-dagat upang ito ay makilala at matagpuan ng ibang mga barko.
Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea, na noong Disyembre 10 bandang alas-7 ng umaga ay nakatanggap sila ng ulat mula sa NGO, kung saan sinabi ng Zambales Ecological Network na mayroon umanong CCG 21543 na nasa municipal waters ng San Narciso.
Agad na ipinadala ng PCG ang BRP Teresa Magbanua sa Zambales.
Sinabi ni Tarriela habang papunta sa Zambales, na-monitor ng BRP Teresa Magbanua ang limang sasakyang pandagat sa pamamagitan ng AIS data records nito: ang China Coast Guard 21543; China-flagged dredgers Yang Shong 699, An Da Kang 3689 at Hong Xia 668; at Sierra Leone-flagged dredger Sanko Uno 13.
Gayunman, nang makarating ang PCG vessel sa paligid kung saan umano nakita ang barko ng CCG—2.3 nautical miles sa kanluran ng bayan ng San Narciso—bandang ala-1 ng hapon noong Martes (Disyembre 10), tanging ang tatlong dredger na may bandila ng China ang naroroon.
Naniniwala si Tarriela na isa sa mga dredger ang minamanipula ng AIS data.
“There’s a very high possibility na isa sa tatlong dredgers na ito ang nagspoof ng data niya. We’re going to once again inspect these vessels, look at the data of their AIS whether they altered the information to do the spoofing for the CCG,” sabi ni Tarriela.
Inihayag ni Tarriela na ang CCG ay nakikisali sa AIS spoofing upang “linlangin ang internasyonal na komunidad, lituhin ang mga awtoridad, at pukawin ang pampublikong pag-aalala.”
Sumakay ang mga tauhan ng PCG sa MV An Da Kang para sa inspeksyon.
Napag-alamang may mga tripulanteng Pilipino at Chinese ang sasakyang pandagat, lahat ay may mga valid na lisensya. Walang natukoy na iregularidad at pinayagan na ring umalis ng San Narciso, Zambales.
Hindi naman nakasakay at nakapag-inspeksyon ang PCG sa MV Yang Shong at MV Hong Xia.
Sinubukan din ng PCG na subaybayan ang CCG 21543. Lumitaw ang barko sa Maynila, Zambales, mga lugar sa China, at biglaan sa South Africa. Sa pagsusuri sa 60-day track nito, sinabi ni Tarriela na maliwanag na ang CCG 21543 ay “hindi makatotohanang mag-navigate sa mga rutang iyon.”
Maaaring sinasamantala ng CCG ang mga signal ng AIS ng iba pang mga sasakyang-dagat para sa mga spoofing activities nito.
Sinabi ni Tarriela na ang mga aksyon ng CCG ay nagpapakita ng pagwawalang-bahala sa International Convention for the Safety of Life at Sea (SOLAS), lalo na ang mandatory AIS requirement para sa ilang mga sasakyang pandagat. Jocelyn Tabangcura-Domenden