Home NATIONWIDE Akusasyon vs BI Commissioner Viado binubusisi ni PBBM

Akusasyon vs BI Commissioner Viado binubusisi ni PBBM

MANILA, Philippines- Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nahihirapan siyang pag-aralan ang paratang na korapsyon at umano’y maling paghawak ng mga kaso kaugnay ng mga operasyon sa ilegal na POGO laban kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado

Ang katuwiran ng Pangulo, mahirap pag-aralan ang white paper lalo na’t walang pirma at walang specifics.

“Well, of course, we’re looking at it. But, you know, mahirap mapag-aralan ng mabuti kung white paper na hindi napirmahan at saka walang specifics. But nonetheless, everything like this, we look into it and we will continue to do that,” ang sinabi ng Pangulo sa isang ambush interview matapos ang oathtaking ceremony ni bagong Associate Justice Raul Villanueva sa Kalayaan PBS, Malakanyang.

Nauna rito, pinalagan ni Viado ang alegasyon laban sa kanya at sinabi pawang kasinungalingan ang mga akusasyong nakasaad sa isa umanong liham na ipinadala ng mga empleyado ng BI kay Pangulong Marcos.

“For the record, I unequivocally state that all the allegations contained in the alleged ‘white paper’ are patently false,” giit niya.

“Should any pertinent agency of the national government decide to look into the supposed ‘allegations,’ I reiterate the commitment of the Bureau to lend its fullest support.”

Tinawag din ni Viado ang liham bilang bahagi ng isang “smear campaign” na pinangungunahan aniya ng isang mataas na opisyal ng BI.

Ito ay matapos umano niyang tanggihan ang hiling na palayain ang isang Chinese national na may koneksyon umano sa makapangyarihang politiko mula sa nakaraang administrasyon.

Sinabi ni Viado na patuloy ang kanyang laban para sa reporma sa loob ng BI at handa siyang makipagtulungan kung iimbestigahan man ang mga alegasyon.

“I have assured those who have expressed their concern over the threats from these interests that no amount of smear will stop us from continuing our efforts at reforms in the agency,” anang komisyoner.

“I warn these parties in turn that they shall be exposed in due time. The public deserves the truth and the truth will stand,” ang pahayag pa rin nito. Kris Jose