Home NATIONWIDE Malakanyang nakabantay sa ulat ng Pinoy immigrant na naaresto sa LA raid

Malakanyang nakabantay sa ulat ng Pinoy immigrant na naaresto sa LA raid

MANILA, Philippines (UPDATED)- Kasama ang isang Pinoy sa mga inarestong imigrante sa ikinasang raid ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) noong nakalipas na linggo na nagbunsod ng mga kilos protesta sa Los Angeles, California.

Ang naarestong Pinoy ay kinilalang si Rolando Veneracion-Enriquez, 55-anyos. Isa siya anim na nakakulong na imigrante na natukoy ng Homeland Security Department.

Sinabi ng kagawaran, mayroon umanong criminal history si Enriquez kabilang na ang pagkaka-convict niya sa kasong theft, assault, burglary at rape.

“Siya po ay naaresto dahil isa po ito sa operasyon ng ICE. So sa bahay po siya inaresto kasama po ang ICE official at parole officer,” ayon kay Consul General Adelio Angelito Cruz

Sa kabilang dako, ang iba pang kasama ng Pinoy na inaresto ay mula sa Peru, Indonesia, Honduras, Mexico at Vietnam.

Samantala, nahaharap naman ang Los Angeles sa ikatlong sunod na araw ng tensyonadong mga protesta kasunod ng mga ikinasang raids ng Immigration and Customs Enforcement noong Linggo kung saan ipinakalat na rin sa mga protest site ang mga tropa ng National Guard.

Ang ikinasang raids naman ng US authorities ay parte pa rin ng mass deportation initiative ni President Donald Trump laban sa mga iligal na imigrante sa kanilang bansa.

Samantala, sa pinakabagong ulat, kasalukuyang mino-monitor ng administrasyong Marcos sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Consulate sa Los Angeles, California ang kamakailan lamang na kilos-protesta sa nasabing bansa.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang tagubilin ng Pangulo ay bigyan ng assistance ang bawat Pilipino lalo na kung ang mga ito ay nakabase o nagtatrabaho sa ibang bansa.

“Pero pinapaalalahanan din po sila na sumunod po sa batas ng bansa kung saan po sila nakatira o nagtatrabaho,” ayon kay Castro. Kris Jose