MANILA, Philippines- Panonoorin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang magiging takbo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado na magsisimula na bukas, araw ng Miyerkules, Hunyo 11, 2025.
“We are watching, of course,” ayon sa Pangulo sa isang ambush interview matapos ang oath taking ceremony ni bagong Associate Justice Raul Villanueva sa Kalayaan PBS, Malakanyang.
“What the Senate President, Chiz Escudero is doing to try to make it as a peaceful a transition as possible from this Congress to the next,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
Nauna rito, sinabi ng Pangulo na bahala na ang Senado sa proseso at magiging takbo ng impeachment trial ng Bise-Presidente.
“Well, this is really a function of the Senate right now. So, we leave it to them. It has moved already from the House. It has now been in the Senate for a few months,” ayon sa Pangulo sa isang ambush interview matapos ang oath taking ceremony ni bagong Associate Justice Raul Villanueva.
Sa kabilang dako, wala namang nakikitang kontrobersiya ang Pangulo na mula 19th Congress ay aandar at magpapatuloy ang impeachment trial sa 20th Congress.
“Why? What is the controversy? It is very clear that it will. Because there is no way that even if they start the trial now, that they will finish it before the new Senators come in. So, well, again, the Senators will decide,” ang pahayag ng Chief Executive.
Samantala, sinabi ng defense team ni VP Sara Duterte na bagama’t pinipili nilang huwag magkomento sa mga usaping panloob ng Senado, iginiit nilang ang mismong pagsisimula ng proseso, lalo na ang ika-apat na reklamo sa impeachment, ay may “malubhang paglabag sa Konstitusyon.”
Anila, ang proseso ng impeachment ay hindi dapat gamitin bilang sandata laban sa mga katunggali sa politika. Ito raw ay isang mekanismong konstitusyonal, hindi isang political tool o kasangkapan sa politikang paninindak.
Gayunman, binigyang-diin ng kampo ni VP Duterte na handa silang harapin ang mga paratang sakaling ituloy ng Senado ang paglilitis.
Nakahanda umano silang ipakita na walang batayan ang mga akusasyon laban sa Bise Presidente.
Ang pahayag ay lumabas kasabay ng lumalakas na panawagan mula sa mga unibersidad, civil society groups, at mga mambabatas na igalang ng Senado ang Konstitusyon at simulan na ang paglilitis sa mga kasong isinampa laban kay Duterte, kabilang na ang umano’y pagkakasangkot niya sa Davao Death Squad. Kris Jose