MANILA, Philippines – Tinapos ng Senado ang sesyon nito para sa unang bahagi ng 2026 matapos maipasa ang ilang mahahalagang panukala na nakatuon sa reporma sa pamahalaan, serbisyong panlipunan, at kaunlaran.
Kabilang sa mga naaprubahan ang mga hakbang para palawakin ang suporta sa mga may autism spectrum disorder, palakasin ang proteksyon ng mga konsyumer, at bigyan ng mas malawak na kakayahang umangkop ang Department of Education sa pagpapatupad ng kurikulum.
Inaprubahan din ng Senado ang resolusyon para sa reset ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ang kasunduan sa United Kingdom hinggil sa paglipat ng mga nahatulang preso.
Sa larangan ng modernisasyon, pinagtibay ang pagbuwag sa Optical Media Board at paglilipat ng tungkulin nito sa Intellectual Property Office. Pinagtibay rin ang AGRICOM Act upang palakasin ang koordinasyon sa agrikultura at food security at suportahan ang mga magsasaka at mangingisda.
Kabilang din sa mga naaprubahan ang Philippine Veterans’ Month Act, Law Enforcement Body-Worn Camera Act, Free Overseas Filipino Workers’ Financial Education Act, at Geographically Isolated and Disadvantaged Areas School Act na layong palakasin ang transparency, edukasyon, at pagkilala sa iba’t ibang sektor.
Magbabalik ang regular na sesyon ng Senado sa Mayo 4, 2026. RNT