MANILA — Gumawa ng kasaysayan si Carlos Yulo para sa Pilipinas sa Paris Olympics, matapos makuha ang ikalawang gintong medalya ng bansa sa Summer Games noong Linggo ng madaling araw, oras ng Maynila.
Kasunod ng makasaysayang tagumpay, ang Golden Boy ng bansa ay nakatakdang tumanggap ng mga gantimpala para sa pagtataas ng watawat sa entablado ng mundo.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10699, o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, ang mga gold medalists ay dapat makatanggap ng P10 milyon, habang ang mga silver at bronze medal winner ay makakakuha ng P5 milyon at P2 milyon, ayon sa pagkakabanggit.
Dahil si Yulo ay nanalo ng ginto sa Olympics, inaasahang tatanggap siya ng P10 milyon gayundin ng Gold Olympic Medal of Valor mula sa Philippine Sports Commission.
Makakatanggap din si Yulo ng house and lot mula sa Philippine Olympic Committee, na naunang nangako na ibibigay ang pabuya sa Paris Olympics gold medalists.
Gagawaran din ng House of Representatives si Yulo ng P3 milyon, ayon kay House Committee on Appropriations Chairperson Elizaldy Co ng AKO BICOL party-list .
Ang 24-anyos na gymnast ay gagawaran din ng P24-million condominium unit sa Taguig City, kasama ang pangako ng property development firm na Megaworld Corp. na isang ‘fully furnished 2-bedroom condominium unit sa McKinley Hill.’
Ang buffet restaurant chain na Vikings Group ay nagbigay din ng panghabambuhay na libreng buffet sa Olympic gold medalist para sa kanyang tagumpay.
Samantala, ang engineering at construction firm na NEXA Engineering ay nagbibigay kay Yulo ng libreng lifetime engineering design.
Maaaring makakita ng mas maraming pabuya ang Golden Boy ng bansa sa mga susunod na araw, katulad ng pagbuhos ng suporta mula sa gobyerno at pribadong sektor para sa kauna-unahang Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz. RNT