Home HOME BANNER STORY ALAMIN: Mga paalala, ipinagbabawal sa Traslacion 2026

ALAMIN: Mga paalala, ipinagbabawal sa Traslacion 2026

254
0

MANILA, Philippines – Isasagawa sa Biyernes, Enero 9, 2026 ang Traslacion upang gunitain ang paglilipat ng imahe ng Poong Jesus Nazareno mula Intramuros patungo sa Quiapo Church.

Kaugnay nito, naglabas ng mahahalagang paalala ang Manila Police District (MPD) at Philippine Red Cross para sa kaligtasan ng mga deboto.

Ayon sa MPD, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala o pagsusuot ng mga sumusunod sa Traslacion:

–Baril at iba pang armas

–Paputok at pyrotechnics

–Mga lalagyang salamin para sa tubig

–Hoodies

–Caps o sombrero

Pinayuhan din ang mga deboto na iwasan ang:

–Pagdadala ng bag at gadgets

–Pagsusuot ng alahas

–Pagsama ng sanggol, bata, at senior citizens

–Pakikilahok kung may sakit, buntis, o nasa impluwensiya ng alak

Sa halip, hinihikayat ang mga deboto na magsuot ng komportableng damit, uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration, at gumamit lamang ng transparent bags.

Para sa mga emerhensiya, maaaring makipag-ugnayan sa MPD sa mga numerong 0917 899 2092 at 0919 995 0976, o sa kanilang opisyal na Facebook account.

Samantala, nagbigay rin ng safety tips ang Philippine Red Cross, kabilang ang pagdadala ng first aid kit, pag-iwas sa siksikan lalo na malapit sa andas, pananatiling malapit sa sariling grupo, at pagiging pamilyar sa ruta ng prusisyon at mga exit points. Pinayuhan din ang publiko na lumapit agad sa mga volunteer o awtoridad kung makaramdam ng pagkahilo o panganib.

Nanawagan si MPD spokesperson Police Major Philipp Ines sa mga deboto na sumunod sa mga alituntunin ng Quiapo Church at ng mga awtoridad upang matiyak ang maayos at ligtas na Traslacion. Dagdag niya, maaaring panoorin na lamang ng mga bata at senior citizens ang livestream ng prusisyon sa social media pages ng Quiapo Church.

Bilang bahagi ng seguridad, magpapatupad ang Philippine National Police ng gun ban sa Maynila mula Enero 8 hanggang 10. Magkakaroon din ng liquor ban sa Enero 9 sa loob ng 500-metrong radius ng Quiapo Church at sa kahabaan ng Traslacion route, gayundin ng total ban sa paputok at firecrackers mula Enero 8 hanggang 9.

Magpapatupad din ng bagong queue system para sa “pahalik” sa imahe ng Poong Nazareno, habang inaasahang ilalabas ng Quiapo Church at lokal na pamahalaan ang mga detalye ng road closures at traffic rerouting kaugnay ng Traslacion 2026. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here