Home NATIONWIDE PBBM, ‘di makikialam sa pagtutulak na i-impeach si VP Sara – Malakanyang

PBBM, ‘di makikialam sa pagtutulak na i-impeach si VP Sara – Malakanyang

220
0

MANILA, Philippines – Hindi makikialam si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa anumang pagkilos o hakbang na sampahan ng impeachment complaint si Vice President Sara Duterte.

Ang katuwiran ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang paghahain ng impeachment complaint ng anumang grupo ay wala sa mandato ng Pangulo.

“Ang pagsasampa po ng impeachment complaint ng anumang grupo ay hindi po ito sakop ng Pangulo,” ayon kay Castro.

Bukod pa sa hindi kailanman pinag-usapan sa anumang pulong na kasama ang Pangulo ang isyu ng impeachment laban kay VP Sara.

Gayunman, binigyang diin ni Castro ang posisyon ni Pangulong Marcos na “those who must be held accountable should be held accountable.”

“Hindi magkakaroon ng pagkakaisa kung may naiiwang isyung dapat sagutin. Sa ngayon, muli, hindi po sakop ng Pangulo kung sinuman po ang magsasampa ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente,” anito.

Napaulat na maaaring ituloy pa rin ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte pagsapit ng Pebrero, ayon kay ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio.

Gayunman, sinabi ni Tinio na mahihirapan itong makalusot sa Kamara de Representantes dahil hindi umano hawak ni Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III ang mayorya ng mga miyembro ng kapulungan.

Samantala nang tanungin naman si Castro hinggil sa characterization sa nagpapatuloy na kaso bilang “failed impeachment,” nilinaw nito na ang usaping ito ay nananatiling pending sa Korte Suprema.

“Hindi po natin masasabi na failed impeachment ito. May ongoing na po na kaso sa Korte Suprema,” ayon kay Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here