ALBAY, Philippines – Aabot sa 729 pamilya o 2,889 indibidwal na nasa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone ng Bulkang Mayon ang ililikas, ayon sa Office of Civil Defense sa Bicol (OCD-5) nitong Martes.
Sinabi ni OCD-5 Director Claudio Yucot na nag-deploy na ang Albay Public Safety Emergency and Management Office (APSEMO) ng mga trak ng Army upang tumulong sa agarang paglikas.
“Based on the report of the Philippine Institute of Volcanology and Seismology, it is an infusive magmatic eruption, meaning it’s not sudden. We don’t need to wait for the explosion. We need to evacuate them,” ani Yucot.
Dagdag niya, magpupulong sa Miyerkules ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council response cluster upang ayusin ang tulong para sa mga evacuee. Nangako rin ang Department of Social Welfare and Development na maghahanda ng food packs, habang inatasan ang mga lokal na pamahalaan na maghanda ng karagdagang evacuation centers sakaling dumami pa ang ililikas.
Batay sa datos ng APSEMO, ang mga ililikas ay mula sa: Tabaco City (312 pamilya o 1,181 indibidwal), Malilipot (287 pamilya o 1,193 indibidwal), Camalig (100 pamilya o 407 indibidwal), Ligao (25 pamilya o 91 indibidwal), Guinobatan (apat na pamilya o 16 indibidwal), at Daraga (isang indibidwal).
Samantala, sinabi ni Camalig Mayor Carlos Irwin Baldo Jr. na prayoridad ng lokal na pamahalaan ang kaligtasan ng mamamayan.
“At 2 p.m., we implemented the immediate suspension of classes at Baligang Elementary School and Bariw Elementary School to prepare them as temporary evacuation centers for the affected residents of barangays Anoling, Sua, and Quirangay,” ani Baldo. RNT/MND