PASAY CITY, Philippines – Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), katuwang ang ASEAN National Organizing Council (ASEAN-NOC) at iba pang ahensya, ng mas mahigpit na seguridad at traffic management measures sa paligid ng Philippine International Convention Center (PICC) bilang paghahanda sa 49th ASEAN Summit and Related Summits sa Nobyembre 15 hanggang 17, 2026.
Dalawang yugto ang pagpapatupad ng Security Exclusion Zones. Sa Phase 1 o Controlled Access Period, mula Oktubre 24 hanggang Nobyembre 8, papayagan ang pagpasok sa mga itinalagang lugar ngunit sasailalim sa security screening at verification sa mga checkpoint.
Sa Phase 2 o Restricted Access Period, mula Nobyembre 9 hanggang 18, lilimitahan ang pagpasok sa mga awtorisadong sasakyan at tauhang may valid access credentials.
Sa ikalawang yugto, isasara sa pangkalahatang trapiko ang bahagi ng Vicente Sotto Street mula Roxas Boulevard hanggang Atang Dela Rama Street. Tanging mga awtorisadong sasakyan at tauhan ang papayagang pumasok sa mga itinalagang bahagi ng Atang Dela Rama Street at Magdalena Jalandoni Street.
Magpapatupad din ang MMDA ng traffic rerouting scheme sa Diokno Boulevard, Macapagal Boulevard at Roxas Boulevard upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko.
Ang mga northbound na sasakyan ay maaaring dumaan sa Diokno Boulevard patungong Seaside Boulevard, kumanan sa Macapagal Boulevard, kumaliwa sa EDSA at muling kumaliwa sa Roxas Boulevard.
Samantala, pinapayuhan ang mga southbound na sasakyang bumibiyahe sa Roxas Boulevard patungong Diokno Boulevard at Macapagal Boulevard na kumanan sa EDSA.
Kalakip ng advisory ang MMDA-approved Security Exclusion Zone and Traffic Rerouting Map na magsisilbing gabay sa mga isasarang kalsada, restricted areas at alternatibong ruta.
Pinapayuhan ang mga motorista at commuters na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe, iwasan ang mga restricted area, gamitin ang mga alternatibong ruta, maglaan ng dagdag na oras sa paglalakbay at sundin ang mga tagubilin ng traffic enforcers at security personnel.
Dadalo sa tatlong araw na summit ang mga lider at delegasyon mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN at mga Dialogue Partner, kaya kinakailangan ang mas mahigpit na seguridad at pagbabago sa daloy ng trapiko para sa mga convoy.
Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang ASEAN-NOC, MMDA, Philippine National Police (PNP) at mga kinauukulang lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, mabawasan ang abala at maging maayos ang pagsasagawa ng summit.
Umapela naman ang ASEAN-NOC sa publiko na unawain at suportahan ang mga ipatutupad na hakbang at magpakita ng pasensya upang maging matagumpay ang pagho-host ng Pilipinas sa mahalagang pagtitipon. RNT/MDS