MANILA, Philippines – Iginiit ng defense team ni Vice President Sara Duterte na dapat pa ring ipatupad ng Senate impeachment court ang sub judice rule sa mga impeachment article na iniurong na ng prosekusyon.
Kinumpirma nitong Huwebes ni Senate impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol na naghain ng manifestation ang mga abogado ng bise presidente kaugnay ng usapin.
Kasunod ito ng naunang desisyon ng korte na nagpapahintulot sa lahat ng panig na talakayin sa publiko ang mga alegasyong dating isinampa laban kay Duterte.
“[Duterte] is not waiving Rule 18 and that she remains uninterested in any form of trial by publicity,” ayon kay Tongol, na sinipi ang manifestation ng depensa.
Sinabi rin ni Tongol na iginiit ng bise presidente na “takes the position that the Court must maintain and enforce the sub judice rule to preserve the integrity of the proceedings and respect her constitutional rights.”
Nauna nang iniurong ng prosekusyon ang Impeachment Articles I, III at IV na tumutukoy sa umano’y maling paggamit ni Duterte ng confidential funds, panunuhol at grave threats.
Dahil sa manifestation ng depensa, muling umusad ang mosyon ni Senator-judge Francis “Kiko” Pangilinan na pag-isipan muli ang desisyon ni presiding officer Francis “Chiz” Escudero na alisin ang sub judice rule sa tatlong artikulo.
Nauna nang ipinaliwanag ni Escudero na maaari nang magsalita si Duterte tungkol sa mga ebidensyang naiharap sa korte, ngunit hindi na gagamitin ang mga ito sa hatol.
Sinabi naman ni defense lead counsel Sheila Sison na sasangguni muna ang kanilang panel sa kliyente nila tungkol sa usapin.
Gayunman, naniniwala si Sison na ang pag-alis sa sub judice rule sa mga artikulong natalakay na ay maaaring maghikayat sa pagsasampa ng mga paratang laban kay Duterte nang walang pananagutan. RNT/MDS