MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Pilipinong aplikante na tiyaking legal ang trabahong inaalok sa kanila sa ibang bansa matapos madetine ang 51 Pinoy sa Cambodia dahil sa umano’y pagkakasangkot sa online scam operations.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na nakahandang tumulong ang pamahalaan sa mga overseas Filipino workers (OFWs), ngunit iba ang usapin kung alam mismo ng mga Pilipino na ilegal ang kanilang pinapasukang trabaho.
“The Department of Migrant Workers (DMW) maintains that Filipinos who knowingly participate in illegal scam activities must be held accountable under the law,” ani Cacdac.
Batay sa datos ng DMW, 28 Pilipino ang kasalukuyang nakakulong sa Sihanoukville, Cambodia, dahil sa mga kasong felony kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa scam operations na pinalala ng kanilang ugnayan sa organisadong krimen. May katapat itong parusang lima hanggang 10 taong pagkakakulong.
Samantala, 23 Pilipino naman ang nakakulong sa Battambang at nahaharap sa mga kasong misdemeanor dahil din sa umano’y pagkakasangkot sa scam operations. Posibleng makulong ang mga ito nang dalawa hanggang limang taon.
Sumailalim na sa pre-trial proceedings ang mga detenido. Inaasahang magdedesisyon ang korte sa Cambodia sa Disyembre 6 kung ibabasura ang mga kaso o itutuloy ang paglilitis.
“We will not condone any Filipino who deliberately participates in illegal scam operations. Those proven to be involved must be held accountable under the law. At the same time, it is crucial to identify and protect our fellow Filipinos who have been deceived, trafficked, or coerced into working for such operations,” pahayag ni Cacdac.
“We will ensure that everyone’s right to due process is respected, and we will uphold the ‘non-punishment principle’ in cases where a Filipino is a victim of trafficking,” dagdag niya. RNT/MDS