SABAY-SABAY ang gagawing paglalakad sa National Capital Region (NCR) at mga rehiyon ng Luzon, Visayas, hanggang Mindanao sa gaganaping “Alay Lakad 2024” na pangangasiwaan ng Rotary International District 3810 sa Nobyembre 24, araw ng Linggo, sa Quirino Grandstand, Rizal Park, Manila.
Sa ginanap na pulong balitaan sa National Press Club of the Philippines nitong Martes ng tanghali, sinabi ni District Governor Jackie Rodriguez ng Rotary International District 3810 na tampok sa taong ito ay may temang “Alay Lakad para sa Kabataan ng Bagong Pilipinas”.
Layon aniya ng nasabing Alay Lakad na mabuksan ang daan para sa mas mahusay na komunikasyon at unawaan sa pagitan ng mga kabataan at katandaan, pati na rin sa pangangailangan sa epektibong ugnayan ng publiko at pribadong sektor sa pagtaguyod ng kapakanan ng mga kabataan at turuan sila na magpasimula at mamahala ng mga proyekto at aktibidad para sa kanilang personal na pag-unlad at mas mainam na buhay-pamilya.
Nabatid na pangungunahan nina Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, Department of Education Secretary Edgardo Angara, at iba pang opisyal ng local at national government, mga pampubliko at pribadong sektor ang sabay-sabay na paglalakad sa buong kapuluan.
Ang makakalap namang pondo sa isasagawang Alay Lakad 2024 ay gagamitin ng Alay Lakad Foundation Inc. sa pagkakaloob ng scholarship sa mga kabataan, walang tubong pautang sa mga karapat-dapat na benepisyaryo para sa mga proyektong tulad ng food vending, sari-sari store, garment vending, pag-aalaga at pagpapadami ng mga baboy, manok, isda, at iba pang aktibidad na kinakailangang tustusan.
Kabilang naman sa mga dumalo sa pulong-balitaan sina Alay Lakad Foundation Inc. President John Siy, Director Ryan Calanta, Director Assistant Treasurer Augusto Chua, Director Atty. Joe Redoblado at Director Tutsi Tutica. JAY Reyes