Home NATIONWIDE NDRRMC: Wala pang naiulat na nasawi kay Nika

NDRRMC: Wala pang naiulat na nasawi kay Nika

(c) MJ Layugan Photography

MANILA, Philippines – Nasa 153,000 indibidwal ang naapektuhan dahil sa epekto ng Severe Tropical Storm “Nika” sa limang rehiyon sa Luzon, kabilang ang 17,000 katao na lumikas sa kanilang mga tahanan, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes, Nob. 12.

Naapektuhan ni Nika ang kabuuang 153,643 indibidwal (36,788 pamilya) sa Ilocos Region (Region 1), Cagayan Valley (Region 2), Central Luzon (Region 3), Bicol Region (Region 5), at Cordillera Administrative Region (CAR).

Sa mga ito, 17,070 indibidwal ang nananatili sa mga evacuation center at tinutulungan ng gobyerno.

Wala pang naiulat na nasawi sa ngayon ngunit nananatiling nakaalerto ang NDRRMC sa pagpasok ng bagong tropical storm na pinangalanang “Ofel” sa Philippine Area of ​​Responsibility (PAR) nitong Martes ng umaga.

Sa press conference na pinangunahan ng Office of Civil Defense (OCD) at ng Presidential Communications Office (PCO) sa Camp Aguinaldo, hinimok ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga residente sa Northern Luzon na mag-ingat sa panganib ng pagguho ng lupa sa mga lugar na nakararanas ng saturation ng lupa dahil sa magkakasunod na bagyo.

Binigyang-diin ni PAGASA Assistant Weather Services Chief Chris Perez na hindi alintana kung mahina hanggang katamtaman o katamtaman hanggang malakas ang paparating na pag-ulan, malaki ang posibilidad na magkaroon ng isolated landslide at flash floods dahil sa saturation ng lupa.

Si Nika ay inaasahang lalabas ng PAR hapon ng Martes. RNT