MANILA, Philippines – Naglabas ng preparedness advisory ang Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) matapos iulat ng Phivolcs ang mga pagbabago sa Bulkang Mayon na nagpapakita ng presensya ng bagong magma na mababaw ang pinanggagalingan.
Ipinagbawal ni Albay Governor at PDRRMC chair Noel Rosal ang lahat ng aktibidad sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone, kabilang ang pag-akyat sa bundok, ATV riding, at pag-aani.
“Inatasang manatiling naka-heightened alert, makipag-ugnayan nang mabuti at imobilisa ang mga kinakailangang resources,” ayon sa abiso.
Pinayuhan din ang publiko na manatiling alerto at maghintay ng opisyal na update.
Ayon sa Phivolcs, maaaring tumaas ang rockfall incidents mula sa tatlo hanggang 16 kada araw dahil sa mga pagbabago sa aktibidad ng Mayon. Santi Celario