Home NATIONWIDE ALC GROUP of Companies Chairman pumanaw na, media community nagluluksa

ALC GROUP of Companies Chairman pumanaw na, media community nagluluksa

182
0

MANILA, Philippines – NAGLULUKSA ang National Press Club of the Philippines (NPC) sa pagpanaw ni Dominic Edgard Angeles Cabangon, chairman ng ALC Group of Companies, na matagal na ring kilalang kaibigan at tagasuporta ng mga mamamahayag.

Sa inilabas na pahayag ng NPC, nagpahayag ang organisasyon ng kanilang taos-pusong pakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Cabangon kasunod ng kanyang pagpanaw.

Ayon sa grupo, si Cabangon—na mas kilala sa tawag na “Boss Edgard” ng maraming mamamahayag—ay matagal na naging malapit na kaibigan at matatag na katuwang ng samahan ng media.

Sa maraming pagkakataon, hindi umano nag-atubiling tumulong at magbigay ng suporta si Cabangon sa mga proyekto at gawain ng NPC para sa kapakanan ng media community.

Ipinakita rin umano ng negosyante ang kanyang kabutihang-loob at malasakit sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng tulong at inspirasyon na ibinibigay niya sa organisasyon sa tuwing kinakailangan.

Dahil dito, sinabi ng NPC na malaking kawalan ang pagpanaw ni Cabangon hindi lamang sa kanyang pamilya kundi pati na rin sa mas malawak na komunidad ng media na nakinabang sa kanyang suporta.

Hindi umano malilimutan ng mga miyembro ng NPC ang kanyang pagiging mapagbigay, matapat na kaibigan, at walang sawang suporta sa organisasyon.

Sa gitna ng pagdadalamhati, nakiisa ang NPC sa pamilya, mga kaibigan at kasamahan ni Cabangon sa pagluksa, at umaasang magpapatuloy ang kanyang pamana ng pagtulong at suporta sa media bilang inspirasyon sa marami.

Samantala, nagpahatid din ng pakikiramay ang pamunuan ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) sa mga naulilang mahal sa buhay ni Boss Edgard.

Isa si Boss Edgard sa mga nagsilbing taga-suporta ng nasabing samahan kung saan naglalaan ito ng kanyang oras upang makadaupang-palad ang mga miyembro nito partikular na sa mga mahahalagang okasyon. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here