MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) nitong Martes ang mga insidente ng extortion at bribery na kinasasangkutan ng ilang kawani matapos ang alegasyon mula sa transport group na Manibela.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, may ilang personnel at opisyal na inirekomendang tanggalin sa kanilang posisyon at kasalukuyang may mga reklamo laban sa kanila.
Binanggit niya na may dalawang regional director na humihingi ng monthly payment mula sa transport groups, kabilang ang halagang P7,000 kada buwan, at may reklamo na sa Ombudsman. Dagdag niya, kinukuha rin ang sahod ng job order sa loob ng tatlong buwan.
Nakuhanan din ng panghihingi ng pera ang dalawang LTO personnel at isang security guard sa LTO Central Office mula sa mga jeepney driver noong nakaraang linggo. Isang LTO enforcer rin ang na-relieve mula sa posisyon dahil sa pangha-harass ng jeepney drivers.
Tungkol sa pagkaantala ng vehicle registration at franchise renewal, sinabi ni Lacanilao na marami pa rin ang pending applications dahil sa unfinished consolidation processes at kakulangan ng provisional authority mula sa LTFRB.
Handa ang LTO na makipag-dialogue sa stakeholders upang maresolba ang mga isyu.
Samantala, may humigit-kumulang 20 impounded vehicles sa Central Office na colorum UV Express, at anim na jeepneys ang nakumpiska.
Nagsimula naman ang tatlong araw na transport strike ng Manibela sa buong bansa noong Martes. Layunin ng strike na tutulan ang umano’y labis na penalties, non-renewal ng franchises, at alleged payola culture sa DOTr at LTFRB. RNT/MND