MANILA, Philippines – Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Pebrero 3, ang alegasyon ng MAGSASAKA Party-list na tinangka umano ng mga pulis na patayin ang nominee nitong si Lejun dela Cruz.
“Wala pong katotohanan na assassination attempt against the life ni Mr. Dela Cruz,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa press briefing.
Ani Fajardo, nagpapatupad lamang ng arrest warrant ang mga awtoriadd para sa murder laban kay Dela Cruz ngunit sinubukan umano nitong tumakas.
Ayon pa kay Fajardo, binangga ng sasakyan ni Dela Cruz ang apat na sasakyan at motorsiklo.
Dinala sa ospital ang isang pulis matapos magtamo ng pinsala sa katawan.
“On the contrary, siya pa po ang namutok at siya pa ang nanagasa. At ang pulis natin na sinagasaan naka-confine. May fracture siya sa pelvis dahil siya ay binangga nung accused po,” sinabi ni Fajardo.
Matatandaang inakusahan ng MAGSASAKA Party-list ang ilang tauhan ng PNP na sinubukang dukutin at patayin ang nominee nito, araw ng Linggo, Pebrero 2.
“In a brazen and alarming display of political violence, elements of the PNP attempted but failed to assassinate MAGSASAKA Party-list nominee Lejun Dela Cruz (Sunday),” saad sa pahayag ng party-list.
“Instead, Dela Cruz was illegally abducted, aggressively beaten, and is now being held in police custody under questionable circumstances,” dagdag pa. RNT/JGC