MANILA, Philippines – Nagpahayag ng posibilidad si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona sa pagkakaroon ng 50 basis point cut sa monetary policy rate ngayong taon, at 200 basis point cut sa reserve requirement ng mga bangko sa kalagitnaan ng taon.
Ani Remolona, imposibleng mangyari ang inisyal na napag-usapan na 100 o 75 bps total policy rate cut ngayong taon dahil sa nagpapatuloy na inflation.
Dagdag pa niya, mas posible ang 50 bps cut dahil kailangan din nilang magkaroon ng policy insurance laban sa inflation.
Sa kabila nito, sinabi ng BSP governor na hindi agad-agad mangyayari ang cut sa isang monetary board meeting.
“That sounds about right, 25 [in the] first half, 25 [in the] second half. Not every meeting we’ll see policy rate decline,” ani Remolona.
Nakatutulong ang mataas na interest rate para pahupain ang inflation bagamat mayroon itong potensyal na mapigilan ang paglago.
Sinabi ng BSP chief na pinag-uusapan ng Monetary Board ang pagbawas sa reserve requirement ratio ng mga banko ng 200 basis point pagsapit ng Hunyo o Hulyo ngayong taon.
“That’s the amount were discussing 200 basis points, from 7 [percent] to 5 [percent] for the big banks,” sinabi ni Remolona.
Kasalukuyang mayroong 7 percent reserve requirement ang malalaking banko, habang ang ibang banko katulad ng thrift banks o digital banks ay may mas mababang reserve requirement ratio.
Ani Remolona, ang 5 percent reserve requirement ay makatutulong sa ekonomiya dahil ang mga banko ay magkakaroon ng mas maraming pera para ipautang sa publiko at mga negosyo.
“It should raise the deposit rate a little bit if you cut the reserve requirement, while lowering the loan rates,” aniya. RNT/JGC