MANILA, Philippines – Sinabi ng Malacañang na hindi dapat isawalang-bahala ang mga alegasyon tungkol sa umano’y ugnayan ng kumpanyang konektado kay Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, sa Chinese government kung may sapat na ebidensyang magpapatunay dito.
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro nitong Biyernes, Oktubre 2, maaari itong ituring na pagtataksil sa bayan kung mapatutunayang totoo, lalo na kung sangkot ang mga public official.
“Kung sapat ang ebidensya, hindi ito dapat isawalang bahala,” ani Castro sa isang text message sa mga mamamahayag.
Ito ay matapos ilahad ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV sa isang press conference ang umano’y financial activities ni Vice President Duterte at ng kanyang pamilya.
Kabilang sa sinabi ni Trillanes ang umano’y mahigit P319 milyong financial inflows mula sa Chinese government at China-based corporations patungo sa Cale88 Foods Corporation, na iniuugnay kay Carpio.
“Maituturing na pagtataksil sa bayan ang mga Filipino lalo na kung sila ay mga public official na kaya pala tahimik sa mga karahasang natatanggap ng iba nating mangingisda sa kamay ng mga dayuhan at ang iba naman ay handang ipamigay ang parte ng ating teritoryo o karapatan sa WPS ay dahil natatapalan ng pera ang kanilang mga mata para talikuran ang pagmamahal sa sariling bayan at ibenta ang ating kalayaan,” dagdag niya.
Gayunman, sinabi ni Castro na hindi pa gumagawa ng anumang paghuhusga ang administrasyong Marcos sa ngayon, ngunit dapat malaman ng publiko ang mga alegasyon kung may sapat na ebidensya.
“Walang paghuhusga sa ngayon ang administrasyon ngunit dapat malaman ito ng mga kababayan natin kung may sapat naman na ebidensya,” ani Castro.
Hinimok din niya ang publiko na huwag hayaang makapinsala sa bansa ang mga opisyal na umano’y kumukunsinti sa ganitong gawain.
“Ang mga kumukunsinte sa ganitong gawain ay dapat na kalusin hindi bukas, kundi ngayon! Huwag natin hayaan ang ibang opisyal pa natin ang siyang dudurog sa sarili nating bansa. Gumising tayong lahat!” diin ni Castro. RNT/MDS