Home NATIONWIDE Suansing: Walang pork sa 2027 national budget

Suansing: Walang pork sa 2027 national budget

1
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing na walang pork barrel sa panukalang P7.2-trilyong 2027 national budget o General Appropriations Bill (GAB).

Ayon kay Suansing, chairperson ng House Committee on Appropriations, hindi rin maituturing na pork ang Local Government Support Fund (LGSF), na tinatawag ng oposisyon bilang “President’s Pork.”

“Categorically […] I can tell you that there is no pork in the 2027 budget, what was mentioned when I defended the LGSF, which was repeated several times by our colleagues in the Minority, it was answered by the DBM — that there is apong jurisprudence on the matter that says that LGSF is not pork,” ani Suansing.

Sa ilalim ng panukalang budget na isinumite ng ehekutibo, may P58.53 bilyong alokasyon para sa LGSF. Sa Budget Amendments Review Sub-committee (BARSc), inirekomenda naman ang dagdag na P4.091 milyon para rito.

May mga pangamba na maaaring gamitin ang LGSF sa patronage politics bago ang 2028 elections. Noong Agosto, sinabi ni dating Finance Undersecretary Cielo Magno na kailangan ng malinaw na pamantayan sa paggamit at pamamahagi ng pondo.

Samantala, sinabi ng People’s Budget Coalition (PBC) na 85 porsyento ng P116.3 bilyong amendments ng BARSc ay napunta sa mga programang itinuturing nitong “red flags,” kabilang ang ayuda programs, infrastructure projects, LGSF, budget ng Kamara, at confidential at intelligence funds.

Ipinaliwanag ni Suansing na kailangan ang ilang dagdag na pondo dahil sa pagbagal ng ekonomiya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunsod ng tensiyon sa Middle East. Kabilang dito ang P25.8 bilyong inilaan sa DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), na ginagamit din sa fuel assistance para sa ilang transport workers.

Ayon kay Suansing, nasa P59 bilyon na ang kabuuang AICS budget matapos ang dagdag, mas mababa pa rin sa 2026 level at sa P76 bilyong hinihingi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.

Sinabi rin ni Suansing na mahalaga ang P10 bilyong Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk para sa mga magsasakang apektado ng mataas na presyo ng diesel, pataba at iba pang farm inputs, gayundin sa paghahanda sa posibleng epekto ng super El Niño.

Ayon sa mambabatas, nakatulong ang P10 bilyong pondo noong 2026 sa 4.2 milyong magsasaka sa buong bansa at hinihingi muli ito ng Department of Agriculture para sa susunod na taon.

Itinanggi rin ni Suansing na “opaque” ang mga infrastructure project sa budget. Aniya, may mga dokumentong kinakailangan ng Department of Budget and Management at ililista nang detalyado ang mga locally funded project sa House GAB.

“And all of these, as I manifested yesterday, particularly for DPWH projects that will be reflected in the House General Appropriations Bill, every single one of the projects that will be approved in the HGAB will be backed up by complete documents,” aniya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here